REGULAR na napakikinggan sa Bantay OCW sa Radyo Inquirer ang aming mga kasamahan mula sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Nariyan si Arlene Andes mula sa Belgium at si Berly Tugas ng France na laging may mga kuwento ng buhay paga-abroad ng ating mga OFW. Ngunit pareho sila ng obserbasyon.
Kuwento nila, hindi nakukuntento sa iisang trabaho ang mga Pinoy na naroroon. May dalawa hanggang tatlong trabaho o higit pa ang ating mga OFW. Wika nga nila, lagareng Hapon.
Wala silang sinasayang na panahon. Pati oras ng kanilang pamamahinga, ipinagtatrabaho pa nila na para bang mga makina ang kanilang katawan na walang kapaguran.
Jack of all trades nga kung tagurian din ang Pinoy kaya malaking adbantahe sa kanilang mga employer ang pagkakaroon ng Pilipinong manggagawa. Tulad na lamang ng driver, puwede rin siyang maging tubero, karpintero, hardinero at kung anu-ano pa.
Bukod dito, hindi mareklamo at, may bonus pa, palaging nakangiti.
Kung may angking talino pa si kabayan, siya na rin ang magsisilbing cook, waiter at entertainer kapag may mga bisita ang kanilang employer. Gitara lang ang katapat niyan na talaga namang kinagigiliwan ng kanilang mga amo.
Pero meron ding kakaibang ugali ang mga Pinoy gaya ng kwento ng isang kababayan na nasa Pari at halos 20 taon nang naroroon. Doon na rin nakapag-asawa at nagkaanak. Piniling doon na manatili at mamuhay.
Napakasipag ng ating kabayan. May tawag sila sa kanya sa France. Tinagurian nila itong Metro, Boulot at Dodo. Metro dahil sumasakay ito ng tren araw-araw mula sa kanilang tirahan patungo sa trabaho. Ang Boulot naman ay nangangahulugang trabaho at tulog naman ang ibig sabihin ng Dodo.
Kaya si Kabayan: Biyahe, Trabaho at Tulog lamang ang ikot ng mundo. Ito ang tanging ginagawa niya sa araw-araw. Walang
Sabado at Linggo. Walang day-off. At dahil doon, kilala rin siya na isang Pilipinong mayaman. Maraming ari-arian. Pati sa France nakabili ng bahay at maraming paupahang bahay sa Pilipinas bukod pa sa mga negosyong naipundar din niya.
Ang nakakalungkot lang, ang ibang aspeto ng buhay gaya ng espiritwal ay napabayaan na. Hindi na rin nakakakuha ng panahon para magpasalamat sa kaniyang Manlilikha.
Nakalimutan rin nitong pangalagaan kahit ang kanyang kalusugan. Humihinto lamang siya sa buong linggong pagtatrabaho kapag siya ay nagkasakit at hindi na talaga makatayo upang makasakay ng tren papasok ng trabaho. Tinotodo talaga ni Kabayan ang paghahanapbuhay.
Hinahangaan natin ang sadyang masisipag at ang determinasyon sa trabaho ng ating mga kababayan, pero gaya nga ng sabi natin palagi, hindi tama ang parating sobra. Dapat balance lang. Hindi maaaring puro trabaho lamang ang dapat ninyong atupagin sa abroad. Maging dito sa Pilipinas, hindi naman tama na puro trabaho ka lang din.
Materyal lamang ang nasasapatan ng labis-labis na paghahahanapbuhay at hindi nitong kayang tugunan ang mga pangangailangang emosyonal, sosyal at lalo pa ang espirituwal na mga bagay.
Kaya payo natin sa ating mga OFW ay huwag kalimutan magpasalamat sa Diyos. Huwag din na puro trabaho, alalahanin na gaya ng makina, bumibigay din ito, tumatanda, nasisira at sa bandang huli ay hindi na mapapakinabangan pa.
Walang may hawak ng bukas. Kaya’t gamitin sana natin ang pahiram na buhay sa atin ng Diyos na Jehovah sa mga bagay na sinasang-ayunan niya at hindi puro pampersonal na interes lamang.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer 990 AM, Lunes-Biyernes, 10:30 am to 12:00 noon, audio/video live streaming: www.ustream/tv/channel/dziq Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700. E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com / susankbantayocw@yahoo.com