Jonalyn nakatikim din ng mga panlalait


BAGO nakilala at nagkapangalan ang Kapuso star na si Jonalyn Viray ay sangkatutak din na panlalait at pang-ookray ang naranasan niya mula sa mga taong hindi naniwala noon sa kanyang talento.

Nakachika namin si Jonalyn kasama ang ilan pang showbiz reporter sa pocket presscon ng kanyang major solo concert, ang “#Fearless” na gaganapin sa Feb. 28 sa Music Museum, at dito nga niya inamin na naging biktima rin siya ng pambu-bully noong nagsisimula pa lang siya sa music industry.

“Maraming nagda-down sa akin dati, sabi nila wala raw ang karapatang maging singer, ang itim ko raw, ang liit ko pa. Siyempre, masakit ‘yun dahil wala ka namang ginagawang masama sa kanila, pero kung laitin ka nila, ganu’n na lang,” kuwento ni Jonalyn.

Hindi nagpatalo ang Kapuso singer sa mga panlalait sa kanya noon, ginamit pa niya ito para mas lalong mapabuti ang kanyang career. At hindi naman siya nabigo, dahil isa na nga siya sa mga pambatong biretera ngayon ng GMA network.

Nagsimulang makilala si Jonalyn nang magwagi bilang grand champion sa reality singing search na Pinoy Pop Superstar hosted by Regine Velasquez sa GMA 7.

Matapos ang ilang taon, nabuo ang grupong La Diva kung saan nakasama niya sina Aicelle Santos (PPS finalist) at Maricris Garcia,  winner din ng PPS.

At ngayon nga ay muling magsosolo si Jonalyn sa pamamagitan ng kanyang major solo concert na “#Fearless” na bahagi pa rin ng selebrasyon ng kanyang ika-9 taon sa entertainment industry.

Kung lagi kayong bitin sa mga performances ni Jonalyn sa GMA musical variety show na Sunday All Stars, ito na ang chance n’yo para mapanood siya nang bonggang-bongga sa isang concert.

Ano ba ang dapat i-expect ng audience sa “#Fearless”? “Marami akong kakantahin na songs na kinatatakutan kong kantahin. It’s about time to step out of my comfort zone.

Kaya I’m excited to celebrate my 9th year in the business with the people na walang sawang sumusuporta sa akin.” Special guests sa show na ito ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez, Pinoy Pop Superstar runner-up Brenan Espartinez, na isa rin sa mga malalapit na kaibigan ni Jonalyn at ang Pop Diva na si Kuh Ledesma, na nakasama naman niya sa US Tour ng My Husband’s Lover.

“#Fearless” is presented by GMA Network and Creative Media Entertainment. Under the helm of Director Dennis Marasigan and Musical Director Soc Mina. For ticket inquiries, call lang kayo sa Ticketworld (891-9999) o mag-log on sa www.ticketworld.com.ph.

By the way, wala pa ring boyfriend ngayon si Jonalyn, five years na siyang single, “Wala pa talaga, e. Siguro hindi pa ibinibigay sa akin para mas makapag-focus pa ako sa career. Hindi rin naman ako nagmamadali, so okey lang na wala munang boyfriend.”

( Photo credit to E Santiago )

Read more...