DJ MO nag-iiyak, lamesa pinagsusuntok | Bandera

DJ MO nag-iiyak, lamesa pinagsusuntok

- December 02, 2011 - 04:17 PM

Sa Linggo nang umaga na ang takdang pag-alis ni DJ Mo Twister papuntang Amerika. Maraming nagpayo sa kanya na huwag nang umalis, pero walang nakapigil sa kanya, naghuling araw na siya sa Juicy na mapapanood ngayong gabi sa TV5.

Ang huling episode niya sa Juicy ay nagsimula pa sa lokohan, Ingles kasi nang Ingles si Shalala, kaya panay-panay ang hagalpakan namin nina Alex at IC at ni Mo Twister na rin.

Pero nu’ng ipalabas na ang VTR ng mga artistang nakasama sa trabaho ni Mo na nagbibilin sa kanya na mag-ingat siya sa ibang bansa ay nagsimula nang kumalat ang lungkot sa kapaligiran.

Umiiyak na naghabilin sa kanya si Shalala, si IC na madalas niyang “kasuntukan” dahil magkatabi sila ng upuan, at si Alex na naging emosyonal din dahil sino pa ngayon ang mang-iinis sa kanya sa show?

Kami man ay nagbahagi ng mensahe kay Mo Twister, binalikan namin ang mga panahong mahigpit kaming magkaaway sa himpapawid, pero nang makasama na namin siya sa Juicy at Paparazzi ay itinuring na namin siyang anak.


Nu’ng siya na ang magbibigay ng kanyang huling mensahe ay tutok na tutok kami kay Mo Twister. Humingi siya ng paumanhin kina Jana Manalaysay at Omar Sortijas, ang mga bossing namin, pati na sa staff at crew dahil naging mahirap siyang katrabaho nitong mga huling buwan.

Pero nu’ng may gusto na siyang ibulalas kung bakit kailangan niyang umalis ay napasuntok na siya sa mesa, sunod-sunod na suntok ‘yun na kung hindi lang matibay ang salamin ay siguradong nabasag dahil sa lakas ng kanyang mga suntok, kasabay nu’n ang napakasakit niyang pag-iyak.

Meron siyang gustong sabihin kung bakit siya naging mailap sa amin, kung bakit palaging mainitin ang kanyang ulo, meron siyang sinabing nawala sa kanya pero bitin na bitin ‘yun dahil sa kanyang pagtitimpi.

Isa ang pag-iyak ni Mo Twister sa pinakamasakit na iyak na nasaksihan namin, alam mo kasing may malalim na dahilan sa likod ng kanyang pagluha, alam mong parang gumuho ang kanyang mundo nang dahil sa dinadala niyang problema ngayon.

Mamayang gabi ipalalabas ang huling episode ni DJ Mo Twister sa Juicy, isang sultadang binuksan sa pagbibiruan-paglolokohan, pero nagtapos sa iyakan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending