James takot nang magpakasal, trauma ang naranasan kay Kris


Sa isang interview ay sinabi ni James Yap na hindi pa siya handang magpakasal uli. Mahal niya ang kanyang Italyanang girlfriend, nagmamahalan sila nang tapat, pero hindi pa nila masyadong tinututukan ang isyu ng pagharap sa altar.

Ang sabi ni James ay mahirap nang basta-basta pumasok uli sa ganu’ng estado, mahirap nang masaktan uli, makahulugan ang ipinahayag na ‘yun ng sikat at magaling na basketbolista.

Mahirap na nga naman, baka isang panibagong sakit uli ang kanyang matikman, tulad ng nangyari sa relasyon nila ni Kris Aquino na nagkaroon ng bungang Baby James.

Masalimuot kasi ang kanyang pinagdaanan, kung ano-anong masasakit na salita ang ipinakain sa kanya ni Kris, hanggang sa mauwi na ang kanilang sitwasyon sa husgado.

Mukhang basahan nu’n si James Yap, parang wala siyang nagawang maganda sa kabuuan ng relasyon nila ni Kris Aquino, nagmukha siyang kaawa-awa nu’ng panahong sinusumbatan siya ni Kris bilang asawa at bilang tatay na nauwi pa nga sa pangmamaliit sa kanyang pagkatao.

Hindi panaginip ‘yun para kay James Yap, isang bangungot ‘yun, wala siyang kalaban-laban sa galing magsalita ni Kris. Nagsawalang-kibo na lang ang basketbolista, makapangyarihan din kasi ang pamilya ni Kris, mahirap na nga naman.

Kung kayo si James Yap, hindi ba kayo mag-iisip nang maraming beses bago uli humarap sa altar, hindi ba kayo mag-aalinlangan na baka isang araw ay ganu’n na naman sa pinagdaanan nila ni Kris Aquino ang mangyari sa kanyang ikalawang relasyon? Tama lang ang katwiran ni James Yap.

Read more...