Na-meet na namin personally ang equally-beautiful sister ng Kapamilya leading lady na si Jessy Mendiola – ang tinutukoy namin ay si Pam Mendiola, isang commercial and ramp model na malapit na ring mapanood sa isang bonggang teleserye.
Nakachika namin si Pam sa ipinatawag na pocket presscon ng mga taong tumutulong sa kanyang showbiz career, sa pangunguna ng manager niyang si Atty. Jun Samaniego.
At in fairness ha, may promise ang dalaga, at feeling namin, malaki rin ang laban niya sa mga beauty pageant, kumbaga pang-beauty queen ang kanyang aura at tindig.
Mas matanda ng isang taon si Pam kay Jessy, at tulad ng kanyang youngser sister, matagal na rin niyang pangarap ang maging artista, pero ayon nga sa kuwento niya sa amin, nagkaroon pala siya ng matinding depresyon sa una niyang pagsabak sa mundo ng showbiz.
“Bata pa po ako that time, nag-audition ako for a TV commercial, tapos nu’ng VTR na po, sabi nu’ng taga-production, hindi raw ako puwede dahil sa mole (nunal) ko sa mukha.
Kailangan daw kasi sa commercial walang kahit ano sa face. So ‘yun po, after that, na-sad talaga ako, na-depress. “Sabi ko, huwag na muna, kaya I decided to go back to school, tinapos ko ang college ko (nagtapos ng International Studies).
And then, sabi ko, siguro it’s about time na ituloy ko na ang dream ko,” chika ni Pam. Of course, tuwang-tuwa siya para kay Jessy dahil sa tagumpay na narating niya sa showbiz, proud na proud daw siya sa sister niya.
At kung sa ABS-CBN umaariba si Jessy, very soon ay mapapanood naman si Pam sa bagong teleserye ng TV5, ang Pinoy version ng Pretty Little Liars – ang US series na patuloy pa ring namamayagpag ngayon sa ere.
Kuwento ni Pam, talagang mas pinili nila ng kanyang manager ang Kapatid network para raw maiwasan ang pagkukumpara sa kanila ni Jessy.
“Hangga’t maaari sana, hindi muna kami magkatrabaho, para ‘yung focus ng tao na nanonood sa ABS, kay Jessy lang, at ‘yung mga nakatutok sa TV5, sa akin naman,” sey pa ng dalaga kasabay ng pagsasabing hindi pa rin naging madali para sa kanya ang makapasok sa TV5.
“As in nag-audition po talaga ako, and I’m so grateful sa TV5 dahil binigyan nila ako agad ng chance para maging part ng Pretty Little Liars,” ani Pam.
Makakasama rin sa nasabing TV5 series sina Arci Muñoz, Mara Lopez at iba pang Kapatid youngstars. Sey pa ni Pam, isa siya sa mga karakter sa serye na magkakaroon ng kissing scene at love scene sa kanyang magiging partner.
Nakiusap din siya sa mga manonood na sana’y suportahan din nila ang Pinoy version ng Pretty Little Liars tulad ng pagsuporta ng buong mundo sa Hollywood version nito.