DAPAT sigurong higpitan na ang seguridad o limitahan ang pagbibigay ng ticket sa tuwing may magaganap na premiere night sa SM Megamall dahil parati na lang may dukutang nangyayari.
Sa premiere night ng “Starting Over Again” ay nawala ang wallet ng talent manager at empleyado ng ABS-CBN na si Freddie Bautista, nandu’n ang lahat ng ATM, credit cards at mga ID kaya lumung-lumo ang TV executive.
At noong Martes, nang ganapin ang premiere night ng “ABNKKBSNPLAko?”, ang mga kaibigan naman ng aktres na si Andi Eigenmann ang nanakawan ng mahahagalang gamit.
Ayaw naming manghusga pero tiyak na isang ticketholder din ang mandurukot dahil paano siya makakalapit o makakapasok sa mismong sinehan kung bystander lang siya sa lobby ng sinehan at nanonood sa mga artistang dumarating?
Pag hindi nagbago sa kanilang pamamaraan ang head ng security ng SM Megamall, e, parang nakakadala nang mag-premiere night sa kanila.
Anyway, buti na lang at hindi kami sa SM Megamall nanood ng premiere night ng “ABNKKBSNPLAko!?” dahil mas pinili namin ang Gateway cinema 5 dahil mas malapit sa amin at feeling safe kami since madalas kami roon.
Samantala, naaliw naman kami sa pelikula dahil talagang biglang nag-flashback sa amin ang naging buhay namin noong nasa elementarya at hayskul pa kami lalo na sa mga kalokohan nina Jericho Rosales bilang si Roberto “Bob” Ong, Meg Imperial at Vandolph, lalo na ‘yung ginagawa nilang pambu-bully at paglalakwatsa, bukod pa sa nahuli rin kaming natutulog o kaya ay dumadaldal sa klase kaya naman laging ipinatatawag ang magulang namin sa Principal’s office.
Ang pagkakaiba lang ay matino na kami noong hayskul dahil halos lahat ng kaklase namin ay mahilig mag-aral kaya naman parating inilalaban sa kontes ang klase namin at parating number one.
Kaya tawa kami nang tawa sa eksenang kunwari ay gagawa ng assignment sina Echo at Meg, ‘yun pala manonood muna sila ng sine dahil ginawa rin namin iyon, tanda pa namin ang pinanood namin noon – “Saturday Night Fever” (1977) at “Grease” (1978).
Natuwa kami sa pelikula at ang galing-galing talagang umarte ni Echo lalo na nu’ng halikan siya ng kanyang “special someone” niyang si Andi Eigenmann na kamukha ng nanay niyang si Jaclyn Jose sa eksenang ‘yun.
Ang galing ng facial expression ni Echo habang kinikilig nu’ng halikan siya ni Andi. Ha-hahaha! Mahusay din si Meg bilang binasted siya ng crush niyang si Echo kaya nagpakatibo na lang, hanggang sa kaliwa’t kanan ang naging dyowa niyang babae.
Aliw din si Vandolph na walang ginawa kundi mag-work out pero hindi naman nababawasan ang taba dahil panay ang lamon ng ice cream.
Buhay estudyante ang tema ng “ABNKKBSNAPLAko!?” kaya’t makaka-relate ang lahat. At maganda Ang soundtrack ng movie, tiyak na mahal pagkakabili rito ng Viva Films na bumagay talaga sa pelikulang idinirek ni Mark Meily.
Bukod kina Echo, Meg, Vandolp at Andi, kasama rin dito sina Bing Pimentel, Julio Diaz, Giselle Sanchez, Jake Castillo, Gino Padilla at marami pang iba.