Deniece, Cedric inaatake ng kamalasan, kaso ni Vhong mas lalo pang lumakas


Isang bawas na punto na naman sa kinakaharap na laban nina Cedric Lee at Deniece Cornejo ang pagbibitiw ni Attorney Raymund Fortun.

Ayon sa abogado ay hindi tumupad si Cedric sa kanilang kasunduan na hindi ito magsasalita nang hindi nalalaman ng kanyang abogado, si Attorney Fortun ang kinuhang tagapagsalita ng nakademandang negosyante dahil sa naganap kay Vhong Navarro, pinagdudahan ng mas nakararami ang ginawa ng abogado ni Cedric Lee.

Pinakamagandang paraan lang daw ‘yun para makalabas si Attorney Fortun sa kaso, nakita raw siguro niya na isang labang walang kapana-panalo ang kanyang hahawakan, kaya sa mas maagang panahon ay bumitiw na agad siya sa poder ni Cedric Lee.

Kuwento ng isang kaibigan, “Ganu’n naman talaga ang nangyayari kapag hindi sinasabi ng client ang totoo sa lawyer na kinukuha niya.

Tatanggapin ng abogado ang trabaho, pero kapag nabasa na niya ang lahat ng dokumento, nagbibitiw siya kapag alam niyang walang kapana-panalo ang case na pinahahawakan sa kanya.

“Sa case ni Cedric at ni Deniece, nakita siguro ni Atty. Fortun ang scenario na mapapahiya lang siya, bukod pa sa talagang bina-bash siya ngayon ng mga netizens, grabe ang mga tinatanggap niyang salita ngayon dahil sa pagkakatanggap niya sa case ni Cedric,” sabi ng aming kausap.

Maganda nga sanang maging spokesman si Attorney Raymund Fortun dahil wala siyang inuurungan, walang kabog ang kanyang dibdib sa pakikipagdikdikan sa harap ng mga camera, pero nagbitiw na siya bilang tagapagsalita ng negosyante.

Sabi pa ng isang nakakuwentuhan namin, “Napakalaking minus point ‘yun para kay Cedric dahil mismong tagapagsalita niya, humiwalay na sa kanya!”

Read more...