TIG-24 minuto lang ang naging exposure nina James Yap at Peter June Simon sa Game Two ng PLDT myDSL PBA Philippine Cup Finals noong Linggo. At nanalo nga ang Mixers, 80-70, upang maitaba ang serye, 1-all.
Hindi naman pala kailangang ibabad nang husto ang tinaguriang “scoring apostles” ng Mixers upang magtagumpay ang koponan, e. Kailangan pala na magtiwala sila sa isa’t isa para magawa nila ang dapat na gawin.
Iyon ang leksyon na natutunan ng Mixers upang sa kauna-unahang pagkakataon ay talunin nila ang Elasto Painters sa kasalukuyang conference. Kasi nga’y tatlong beses na silang minamaster ng Rain or Shine sa torneo.
Dalawang beses silang binigo sa elimination round. Una’y noong Dec. 6 nang maungusan sila, 86-83. Ikalawa’y noong Dec. 29 kung saan sila’y tinambakan, 101-77.
Sa Game One ng Finals ay nalusutan ng Rain or Shine ang SanMig Coffee, 83-80. Well, ayon kay SanMig coach Tim Cone, ang ikalawang kabiguang ipinalasap sa kanila ng Elasto Painters ang siyang nagsilbing “turning point” sa kanilang kampanya.
Matapos kasi niyon ay nagbago na ang ihip ng hangin para sa Mixers at nagkaroon sila ng wining streak. Dinaig nila sa quarterfinals ang defending champion Talk ‘N Text, 2-1 upang makaharap sa semifinals ang top seed Barangay Ginebra San Miguel.
Umabot sa sukdulang ang serye na ito at nagtagumpay ang SanMig sa Game Seven para makaharap ang Rain or Shine sa Finals.
Sa totoo lang, dapat ay sa Game One pa lamang ay napatid na ang kanilang kamalasan sa Elasto Painters.
Puwede na silang manalo doon, e. Pero nagkaroon ng coaching blunder sa endgame si Cone at inamin naman niya ang kamaliang iyon.
Pero sa Game Two ay hindi na muling nagkamali pa ang Mixers. Nagwagi sila kahit pa hindi ibinabad nang husto ang mga superstars na sina James at Peter. Ito kasi ang sinasabing kalamangan ng SanMig, e.
Sa panig kasi ng Elasto Painters ay gamit na gamit ang 14 players ng koponan kung kaya’t hindi nasasagad ang playing time ng mga ito. Nakapagpapahinga sila.
Sa panig ng SanMig Coffee ay babad ang mga key players pero may mga nababangko. Iyon kasi ang style ni coach Tim Cone na taliwas sa style ni Rain or Shine coach Joseller “Yeng’ Guiao.
Pero tila nga nag-adjust si Cone at hindi sinagad ang kanyang mga bata. Nagdeliver naman kasi ang mga second stringers niya kaya nakapagpahinga ang mga starters!
“Ganito naman talaga ang basketball,” ani Yap matapos ang laro. “Kailanbgan tulungan ang lahat lalo na kapag nasa Finals na. Hindi puwedeng ilan lang angaasahan. Dapat lahat ay ready.”
Idinagdagni Yap na kahit pa mabawasan ang kanyang playing time ay OK lang. Ang mahalaga ay manalo ang team.
Hindi lang siYap ang nagsasabi ng ganoon ha. Malamang lahat ng Mixers ay ganoon din ang pananaw!