OFW na bumabalik na nakakahon

KAPAG umaalis ang OFW, may seat assignment ito bilang pasahero sa eroplano. Ngunit dahil sa mga di inaasahang pagkakataon, may nangyayari sa ating kababayan na bumabalik sa bansa na nakakahon na — isang cargo.

Madalas nating marinig ang pangarap na magkaroon isang magandang kinabukasan para sa pamilya, kung kaya’t sila ay naga-abroad.

Pero mahirap ang buhay sa abroad. Mahirap ang kalagayan ng mga OFW na nagsisikap doon. Mahirap na sa klima, mahirap pa sa mga taong pinakikisamahan.

Kalaban ang klima sa pag-aabroad.Kung hindi sobrang lamig, ay sobrang init, na parehong nagi-ging dahilan din ng di napapanahong kamatayan ng ilan sa ating mga kababayan.

Sabagay, walang nakaalam kung kelan tayo papanaw. Wala naman kasing normal na tao na nagpaplano kung hanggang kailan lang siya mabubuhay. O di kaya’y kung kailan niya gustong mamatay. Mapa-abroad man o maging dito sa Pilipinas, palagi nating kinakaharap ang kawalang-kasiguruhan.

Mahirap magplano ng ating hinaharap dahil hindi nga natin hawak ang ating bukas. Sa tagal na rin ng pagbabantay ng ating Bantay OCW sa ating mga OFW, maraming beses na rin kaming sumalubong sa mga OFW na nakakahon na sa pag-uwi.

Maraming mga pamilya na sa cargo terminal ang tuloy kapag sinasalubong ang kanilang mahal na kaanak na galing abroad.

Nakalulungkot isipin na kasama nitong nagtatapos ang mga pangarap ng ating OFW.

Kaya palagi sana nating ipagpasalamat ang buhay na pansamantalang ipinahihiram sa atin ng Diyos. Gamitin ito sa makabuluhang mga bagay at maging kapaki-pakinabang na gawain.

Nagpadala ng mensahe sa Facebook ng Bantay OCW si Cielo Cervantes Villaluz. May inaaplayan daw siya sa Canada sa ilalim ng Skilled Worker’s Program. Paano daw niya malalaman kung totoo o scam ang website na kaniyang napuntahan?

Nakatapos na ‘anya siya sa assessment at may abogadong nag-email sa kaniya, mula din sa naturang website na tutulu-ngan anya siyang mag-process ng kaniyang mga dokumento patungong Canada.

Payo natin kay Cielo na huwag maniwala agad-agad sa mga alok na patrabaho na makikita sa mga website.

Ayon nga kay POEA Administrator Hans Leo Cacdac may scam sa internet. Isa rin itong anyo ng illegal recruitment.
Upang makatiyak na talagang may trabaho sa Canada, maaari naman ninyong itanong sa POEA at alam nila kung may mga job order nga na bukas para sa ating mga kababayan.

Ang katotohanan, mahigpit ang bansang Canada sa mga aplikanteng nagtutungo sa kanilang bansa na gumagamit pa ng serbisyo ng ilang mga recruitment agency o ng mga tinaguriang immigration consultant o ilang consultancy firm.

Kaya’t ginagamit ang prosesong government to government hiring. Ayaw kasi nilang mabiktima pa ang mga aplikante ng illegal recruiter.

Maging maingat sana si Cielo sa pakikipag-transaksyon sa pamamagitan ng internet dahil sa susunod nilang email, magpapadeposito na sila ng pera sa iyo at simula na yan ng walang katapusang panloloko.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 10:30 am 12:00 noon, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700
E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...