NAGA CITY—Lima ang nasawi at 46 ang nasugatan sa banggaan ng dalawang pampasaherong bus sa Maharlika Highway sa Brgy. Mambulo Nuevo, Libmanan, Camarines Sur, kahapon ng madaling araw, ayon sa pulisya.
Patay ang mga driver ng nagbanggaan Antonina Lines at Elavil Bus, isang konduktor at dalawang pasahero sa insidente, na naganap alas 12:20 ng umaga, ayon kay PO2 Emy Rose Organis ng Libmanan Municipal Police sa panayam sa telepono.
Kinilala ang mga nasawi na sina Christopher Prisulgo, driver ng Antonina Lines at residente ng Brgy. Matabac, Tabaco City, Albay; Orlando Olit, 43, konduktor ng Elavil Bus at residente ng Capalonga, Camarines Norte; Elmer Bon, driver ng Elavil Bus at residente ngMercedes, Camarines Norte; pasahero ng Antonina Lines na si Marvin Ablay, 25, ng Bagong Silang, Caloocan City.
Hindi pa nakikilala ang isa pang pasahero ng nasabing bus. Ayon kay Organis, dinala ang mga nasugatan, mga pasahero mula sa dalawang bus, sa Bicol Medical Center at Mother Seton Hospital sa Naga City upang magamot.
Ang bayan ng Libmanan ay 39 kilometro mula sa Naga City. Ilan sa mga nasugatan ay nasa kritikal na kondisyon, ani Organis. Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nawalan ng kontrol ang driver ng Antonina Lines na patungong Maynila sa hindi pa malamang dahilan kaya ito nag-swerve at sumalpok sa Elavil Bus sa kabilang lane na patungo naman ng Naga City.
“The stretch of road where the accident happened is an accident prone area,” aniya. Inilagak muna sa isang punerarya sa Libmanan ang labi ng limang nasawi.