Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
8 p.m. San Mig Coffee vs Rain or Shine (Game 3)
NAGPAKITA ng katatagan ang San Mig Coffee Mixers sa Game 2 para makabawi sa Rain or Shine Elasto Painters, 80-70, at itabla ang kanilang PLDT myDSL PBA Philippine Cup best-of-seven finals series sa 1-all sa larong ginanap kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Maagang rumatsada ang San Mig Coffee sa pagbubukas pa lamang laro matapos na pumukol ng 3-pointer si Joe Calvin Devance para makuha ang 14-4 bentahe tungo sa pagkuha ng 20-13 kalamanan sa pagtatapos ng unang yugto.
Kabaligtaran naman ang nangyari para sa Elasto Painters na hindi nagawang makaratsada ng maayos sa laban. Ito ay matapos silang sumablay sa lahat ng 10 tira nila sa 3-point area sa first half at nakagawa lamang ng anim sa 26 na 3-point field goals.
Pinangunahan naman ni Peter June Simon ang arangkada ng San Mig sa pagbubukas ng ikatlong yugto para ibigay sa Mixers ang 41-24 abante.
Pinilit namang makapanggulat ng Elasto Painters matapos makadikit sa pitong puntos, 58-51, sa 3-pointer ni Paul Lee sa pagsisimula ng ikaapat na yugto.
Subalit agad namang sumagot ang Mixers matapos gumawa ng 13-2 ratsada para palobohin ang kanilang kalamangan sa 18 puntos, 71-53, sa isang putback shot ni Ian Sangalang may 7:56 ang nalalabi sa laro.
Sina Simon at James Yap ay umiskor ng 15 at 13 puntos para pamunuan ang San Mig Coffee na may limang manlalarong nakagawa ng double figures.
Si Devance ay nag-ambag ng 13 puntos habang si Sangalang ay may 10 puntos para sa Mixers, na nakabangon sa mula sa 83-80 pagkatalo sa pagbubukas ng kanilang pangkampeonatong serye noong Biyernes.
Si Marc Pingris, na tinanghal na Best Player of the Game, ay nagdagdag ng double-double sa ginawang 11 puntos at 12 rebounds. Tanging si Jeff Chan ang nakaiskor ng double figures para sa Rain or Shine na kinamadang 18 puntos kabilang ang 4-of-7 3-point field goals.
“We came out strong. Our first group played with good energy and our second group defended the heck out of everybody,” sabi ni San Mig Coffee coach Tim Cone.
Nagawa ring malimita ng Mixers ang Elasto Painters sa 29-for-78 field shooting at napuwersang makagawa ng 12 turnovers na ginawa nitong 10 puntos. Ito naman ang unang panalo ng San Mig Coffee sa apat na paghaharap nila ng Rain or Shine sa kumperensiya.
Ang ginawang 24 puntos ng Rain or Shine sa first half ang ikatlong all-time low sa isang half sa PBA finals para tapatan ang ginawa ng Barangay Ginebra San Miguel sa Game 1 ng 2013 PBA Commissioner’s Cup finals kung saan nakatapat ng Gin Kings ang tinanghal na kampeon dito na Alaska Aces.
Ang Game 3 ay gaganapin sa Miyerkules ganap na alas-8 ng gabi sa pareho ring venue.
( Photo credit to INS )