Sarah binawian ng sasakyan, dumating sa shooting ng Tv Commercial ng naka-taxi lang

HANGGANG ngayon ay usap-usapan pa rin ng netizens ang maikling buhok ni Sarah Geronimo na produkto raw ng pagrerebelde niya sa magulang. Ito’y matapos ngang makialam na naman ang kanyang mga magulang sa relasyon nila ni Matteo Guidicelli.

Inutusan daw ng mga ito ang Pop Princess na hiwalayan na si Matteo. Kapag lumalabas sa telebisyon o harap ng kamera ang TV host-actres-singer ay mahaba  pa rin ang buhok nito kaya walang naniniwalang short hair na si Sarah  at may mga nagsabing pang gimik lang ito para sa nalalapit niyang show at pagbabalik ng The Voice Kids.

Heto ang buong kuwentong nasagap namin, kamakailan lang ay may shampoo commercial shoot si Sarah at ang balita, hirap na hirap daw ang hair stylish niyang ayusin ang maiksing buhok nito, mahirap daw kabitan ng hai extension.

Oo nga, di ba pag shampoo TV ad bossing Ervin, kailangan kunwari maliligo at susuklayin, e, baka raw sa sobrang iksi e, dumulas ang hair extension ni Sarah, kaya ang nangyari ay cut-to-cut daw ang kuha.

Base sa tsika sa amin, “Awang-awa ang mga nakakakita ngayon kay Sarah, Reggs kasi halatang depressed, pero nakakabilib ang tibay niya at dapat itong pasalamatan ng magulang niya dahil mabait na anak si Sarah.

“May shoot ng shampoo commercial si Sarah, madaling araw ang call time kasi kailangang ayusin ang buhok niya, alam mo ba, dumating si Sarah ng naka-taxi lang at naka-baseball cap.

Nabanggit na hindi raw pinagamit sa kanya ang sasakyan kasi nga hindi pa sila okay ng mommy (Divine) niya. “After an hour, dumating si mommy Divine at hindi raw kasi nagkaintindihan sa driver kung anong oras aalis.

Nakakaawa, di ba, imagine madaling araw, nag-taxi si Sarah, buti na lang maayos ‘yung nakuhang driver.”  Tinanong namin ang source, mabuti at okay lang sa ad agency na nagpagupit si Sarah ng buhok?

“Ang sabihin mo, mabuti at hindi nadedemanda si Sarah, di ba bawal magpagupit ng buhok kapag may shampoo commercial, unless nagpaalam siya tulad ng ginawa ni KC Concepcion noong biglang nagpakulay ng buhok, buti na lang naisipan agad ng paraan, ang binenta na lang ng kumpanya yung red hair niya,” katwiran sa amin.

Anyway, ano naman kaya ang komento ng mga magulang ni Sarah tungkol sa bagong isyu na naman ng pakikialam sa lovelife ni Sarah?

Read more...