Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4 p.m. San Mig Coffee vs Rain or Shine (Game 2)
MATAPOS na dumaan sa butas ng karayom bago magwagi sa Game One, aminado si coach Joseller “Yeng” Guiao na magiging dikdikan ang laban ng Elasto Painters at San Mig Coffee papasok sa Game Two ng best-of-seven Finals ng PLDT myDSL PBA Philippine Cup mamayang alas-4 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Napanalunan ng Elasto Painters ang Game One, 83-80, noong Biyernes sa pamamagitan ng layup ni Paul Lee sa huling 1.6 segundo. Tabla-panalo sana ang sitwasyon para sa San Mig Coffee sa huling 22 segundo kung saan patas ang score, 80-all, at may dalawang timeouts ang Mixers.
Sa unang timeout ni San Mig coach Tim Cone ay tila uubusin nila ang oras at titira sa huling segundo. Pero nang sisimulan na ni Mark Barroca ang atake ay tumawag ulit ng timeout si Cone may walong segundo ang nalalabi sa laro.
Sa pagbabalik ng play ay kinapos ang layup niBarroca at nakuha ng Rain or Shine ang rebound at dagling tumawag ng timeout. Si Gabe Norwood ang inatasan ni Guiao na mag-inbound at si Jeff Chan ang decoy.
Naipasa ni Norwood ang bola kay Lee na nalibre para sa go-ahead basket. Tumawag ulit ng timeut si Cone kahit ubos na ang timeouts niya. Dahil dito ay nabigyan ng technical free throw si Lee para sa final score.
“It’s my fault. This one’s on me,” ani Cone matapos ang laro. “I shouldn’t have called that second timeout, what was I thinking of?” Idinugtong ni Cone na sa endgame ay nabalam siya ng dalawang possessions bago nakagawa ng tamang pagpapalit ng tao kung saan ipinasok niya sina James Yap at Joe Calvin Devance para kina Alex Mallari at Justin Melton.
Dahil dito ay nawala ang anim na puntos na abante ng Mixers at nakagawa ng 8-0 salvo ang Elasto Painters upang makaabante.“We may be tired but we had the opportunity to win Game One and we failed to do so. It’s my fault,” ani Cone.
Nakahinga naman nang maluwag si Guiaomatapos na makatakas sila sa Game One subalit sinabi niyang kailangan ng ibayong pagsisikap sa Game Two. “It’s just one win. It’s still a long way to go.
But we are prepared for a long series,” ani Guiao na humahabol sa kanyang kauna-unahang Philippine Cup championship. Sa Game One, ang Rain or Shine ay pinangunahan nina Beau Belga at Jervy Cruz na gumawa ng tig-15 puntos.
Nagtala naman ng 17 puntos si Devance para sa Mixers samantalang nag-ambag ng tig-13 puntos sina Marc Pingris at Peter June Simon.
( Photo credit to INS )