KUNG may parusang bitay lamang, sana’y
unahin ang pabayang mga opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board. Ang mga opisyal at kawani rito ay nagtatrabaho lang kapag may malalaking sakuna ng mga bus at trak at marami ang namamatay o sikat ang nasawi, tulad ni Tado.
Kung sa Metro Manila lang sila magi-inspeksyon, mas maraming problema ang mga bus at trak sa mga lalawigan, lalo na sa Visayas at Mindanao.
Nais ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na isailim sa performance audit ang mga opisyal at kawani ng LTFRB, bunsod ng sunud-sunod na aksidente. Pero, walang mangyayari rito at madaling malusutan ito ng mga tamad. Madaling dukturin ang performance audit.
Ayon sa isang bus driver, kapag nag-iinspeksyon ang mga kawani ng LTFRB sa kanilang garahe, nagpapasabi na ang mga ito kung kailan darating. Kapag dumating, tumutuloy agad ang mga ito sa opisina at pagkalipas ng 30 minuto o higit pa, umaalis na ang mga ito. “May pameryenda na, pinababaunan pa ni boss ng pera ang mga taga-LTFRB,” anang driver. Kaya pala pinag-aagawan ang mga puwesto sa LTFRB.
Noong kauupo pa lamang sa puwesto nina MMDA Chairman Francis Tolentino at dating LTO chief Virginia Torres, itinaga nila sa bato na mababawasan na ang colorum na mga bus sa EDSA. Iyon pala, dadami naman ang colorum na pampasaherong mga jeepney at bus sa mga lalawigan.
Walumpu’t-isa na ang namamatay sa mga evacuation center sa Zamboanga City at hindi ito pinapansin ng media sa Metro Manila.
Tanging local media na lang ang humahambalos. Ang ibig sabihin niyan ay kinalimutan na ng lahat ang kalagayan ng mga biktima ng bakbakan sa Zamboanga City.
Hindi na maitatago na mataas na ang bilang ng carnapping at inamin na mismo ito ng National Police.
Tumaas ang bilang ng carnapping bunsod ng madaling nakawing mga motorsiklo at scooter. At dahil sa napakahirap na ng buhay, pati pampasaherong mga jeepney ay kinakarnap na rin. Ang mga nakaw na jeepney ay hindi ibinebenta ng buo. Nilalapa ito at piyesa-piyesa ang benta. Ang body ay inaatado at i-binebenta sa junk shop para di matunton.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): OK na sana na lumabas si Tuason, pero ang problema, oposisyon lang ang tinira niya. Ang admin tongresmen at senatongs ba ay malilinis? Dapat nilahat na para di bias. Mas mabuti pa na mag-presidente na si Duterte para ang pera sa PDAF ay diretso sa mga ahensiya. Lugi kaming taga-Mindanao at Visayas kasi nasa Luzon ang malaking budget. Di payag si Mayor Digong diyan kasi pera ng taumbayan iyan, tapos majority ng Luzon ang nakikinabang? Amil 45
Maniniwala lang ako sa Sistema de Lima kung may hustisya sa mga masaker. Wala pa ngang naipakukulong ang Sistema de Lima na mga smuggler at NPA. …2920
Tama ang sinabi ni Mayor Duterte na mag-resign na ang national government officials dahil matagal na sila sa puwesto wala pang nakukulong na smugglers.
Pinapaburan pa nila ang smugglers dahil dahan-dahan ang imbestigasyon. Amiludin Usman