Deniece Cornejo siguradong pinaglalamayan na ngayon


Haggan ngayon, kahit pa kumbaga sa sugal ay butata na siya, ay sige pa rin sa kapapainterbyu ang babaeng bina-bash ngayon ng ating mga kababayan.

Galit na galit sa kanya ang publiko, kung nakamamatay nga lang ang masasakit na salita, siguro’y pinaglalamayan na siya ngayon.

‘Yun ang ipinagsisintir ngayon ng kontrobersiyal na si Deniece Cornejo, bakit daw ganu’n ang mga kababayan natin, bakit siya na nga ang nadehado nang husto ay kay Vhong Navarro pa kumakampi ang mga Pinoy?

Dapat ay ang sarili niya ang tanungin ng babaeng ito, bakit nga ba, bakit nga ba sa halip na makisimpatya sa kanya ang publiko ay sa kanya pa nagngingitngit?

Sabihin na nating nabugbog nang husto ang actor-TV host, ipagpalagay na nating nagkapasa-pasa ang kanyang mukha at nagmukha itong panda dahil sa sobrang pangingitim ng mga mata at pisngi, ang pakikisimpatya sa kanya ng ating mga kababayan ay mababalewala kung totoong pinagtangkaan nga nitong halayin si Deniece Cornejo.

Pero dahil sa mga ebidensiyang nahalukay ng NBI ay mas nagalit ang mga kababayan natin kay Deniece, nakita kasi sa CCTV footage na hindi naman pala sila nagpang-abot nang katawan sa katawan, pero ang isinisigaw ng hitad na babae ay humingi lang siya ng tulong sa kanyang mga kaibigan kaya nabugbog ang aktor.

Sabi nga, sabihin mo ‘yan sa mga marino, magsalita ka nang magsalita para lalong lumalim ang pananagutan mo sa korte. Walang kadala-dala ang babaeng ito, ang kadadaldal na nga niya ang dahilan kung bakit siya nabobokya, sige pa rin siya nang sige.

Pilit pa rin niyang idinuduldol sa utak ng ating mga kababayan na hinalay talaga siya ni Vhong Navarro, niyurakan kuno ng aktor ang kanyang pagkababae, kaya nabugbog ito nang walang kalaban-laban.

Maligo muna sana sa pulot ang Deniece Cornejong ito para tumamis naman kahit paano ang kanyang imahe para sa mga nagmamaasim nating kababayan.

( Photo credit to Google )

Read more...