Sexy, Tanda, FG swak sa Tuason affidavit | Bandera

Sexy, Tanda, FG swak sa Tuason affidavit

Jake Maderazo - February 11, 2014 - 03:37 PM

SA klase ng testimonya at ebidensyang dala ni Ruby Tuason, mukhang malapit nang humimas ng rehas na bakal sina Senador Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile kaugnay sa P10 bilyon pork barrel scam.

May bago sa istorya dahil sa pagkakasangkot kay Atty Jesus Santos, kilalang abugado ni First Gentleman Mike Arroyo, kaugnay naman sa nakulimbat na P 900 milyon na Malamapaya funds.

Meron kasing misteryosong tao na tumanggap ng P243milyon mula sa nilustay na Malampaya funds na hinahanap ng NBI, DOJ at Ombudsman.  Ayon kay Ruby, ang kanyang yumaong kapatid na lalaki  ang nakikipagtransaksyon noon kay Napoles at ang mga bulto-bultong cash  ay dine-deliver pa sa kanyang bahay. At pagkatapos, kinukuha naman ang mga perang ito ni Atty. Santos  upang ibigay naman sa kanyang misteryosong boss.

Of course, deny to death kaagad si Santos at ang isa pang abugado ni Mike A. na si Atty. Ferdie Topacio. Katakut-takot ang  pagtanggi at pagbatikos nila kay Tuason. Pero, ang totoo niyan , wala pang nakakakita sa buong 15-page affidavit ni Ruby, at ang ilang detalye nito ay pinatikim lang sa media ni DOJ Sec. De Lima sa press conference noong Biyernes.

Hindi ako magtataka kung detalyado ang mga alegasyon na ito lalot malakas ang ugong na merong isinoling P40milyon na cash itong si Ruby.  Bitin na bitin tayo talaga sa impormasyon. Ito bang P40milyon ay galing sa komisyon niya sa PDAF nina Enrile at Jinggoy o ito’y perang patago ng yumao niyang kapatid para sa misteryosong boss ni Atty. Santos?

‘Slamdunk evidence’ daw ito , sabi ni De Lima na ang ibig sabihin sa akin ay swak na swak sa kaso ang boss ni Atty. Santos na si FG na noon pa man ay hinahabol na bilang konek ni Janet Lim Napoles sa administrasyon ng kanyang asawa.

Pero, may pagtanggi rin si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa pamamagitan ni Atty. Raul Lambino, na nagsabing hindi siya ang ‘misteryosong principal’. Si  Ruby ay  pangalawa lamang sa naging apat na asawa ni Bobby Tuason, pinsang buo ni FG. Ayon pa kay Lambino, hiwalay na raw si Ruby at Bobby noon pang bago mag bise presidente si GMA noomg 1998. Legal daw ang Executive Order  nitong gamitin ang Malampaya Funds noon dahil sa mga bagyong Ondoy at Pepeng at ang pagprima ni GMA ang ang naging partisipasyon niya rito.

Kung susuriin, ang pagsasapubliko ng buong 15-page affidavit ni Ruby at ang nakatakda niyang pagharap sa  Senate blue ribbon committee sa Huwebes  ay magsisiwalat pa ng mas maraming kwento at ebidensya na sa dakong huli ay titiyak na makukulong n si FG Mike Arroyo. Tatlong taon na ang nakakalipas sa Aquino administration at matagal nang hinihintay ng taumbayan ang pagkakataong ito.
vvv
Kung suswertihin  pa tayo, hindi malayong kumanta na rin ng tuluyan si Janet Lim Napoles lalo na’t derikta na siyang itinuro ni Ruby sa sistematikong pagnanakaw ng ating buwis, pawis at dugo.  Meron akong narinig na balita mula sa mapagkakatiwalaang  source na gusto na raw magturo nitong si Napoles lalot walang-wala na siyang lusot dito. Either aminin niyang  siya lahat ang mastermind nito at itago ang kanyang mga sekreto,  o kaya’y ituro si FG o maging si GMA na sangkot sa kanyang raket sa PDAF at Malampaya funds. Hindi rin malayo na bigla itong magpakamatay o mapatay sa loob ng kanyang kulungan sa Sta.Rosa, Laguna.

Doon naman kina Sexy at Tanda , mukhang kasado na ang mga ebidensya at ayon sa mga butiki ko sa Ombudsman, hindi lilipas ang Pebrero at Marso ay isasampa na ang mga kasong plunder sa Sandigambayan at pagkatapos ay maglalabasan na ang mga arrest warrants laban sa kanila. Ang payo ko lang ay huwag na sanang magmayabang pa ang mga akusado. Puro blanket denial at motherhood statements tulad ni Sexy na nagsabing hindi raw niya pinahiram  ng pera si Tita Ruby kayat sumama ang loob. Bakit kailangan ng pera ni Ruby e nagsoli pa nga sa gobyerno?

Siyempre sa lahat ng ito  tuwang tuwa ang Malakanyang lalot matatatabunan na na naman ang kanilang kapalpakan sa pagpapatakbo ng gobyerno. Mukhang ito na lang ‘corruption’ sa nakaraang administrasyon ang inaatupag nila. Pero mas maganda sana kung mag trabaho na sila para ipadama man lang na kakampi sila ng naghihirap na mga mamamayan. Dahil talaga namang mainit na ang ulo ng taumbayan sa araw araw na hirap ng buhay at ang masakit, gobyerno pa ang siya pang dumidiin sa mga buwis, VAT, license and permit fees, passport, clearances at iba pang bayarin. Pagkakatapos ay nanakawin at lulustayin lang nila. Mga manhid, ipokrito at walang puso!

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending