One on One with Coco Martin: Drama King

NI ERVIN SANTIAGO

MALAYO na nga ang narating ng Indie Prince at sikat na TV personality na si Coco Martin – mula sa paghuhubad nang walang patumangga sa mga gay movies, hanggang sa pagbibida sa mga award-winning teleserye ng ABS-CBN, isama pa diyan ang kanyang mga bonggang endorsements.

Nakausap ng BANDERA si Coco sa kanyang birthday presscon and thanksgiving party at isa-isa niyang sinagot ang ating mga tanong tungkol sa kanyang professional at personal na buhay. Narito ang ating one-on-one with Coco Martin.

BANDERA: Kumusta ka na ngayon Coco?
COCO MARTIN: Okay naman, sobrang saya lang. Sabi ko nga, kailangan maging masaya lang tayo lagi, maging thankful sa lahat ng blessings na ibinibigay sa atin. Lahat kasi ng mga hindi ko in-expect na mangyayari, nangyayari naman ngayon sa buhay ko.

B: Ano ang ipinagpapasalamat mo ngayon sa Diyos?
CM: Maayos ang trabaho ko, maayos ang family ko, maraming trabahong dumarating, maraming mga kaibigan ang sumusuporta, maayos naman lahat.

B: Ano pa ba ‘yung kulang sa buhay mo na hinahanap-hanap mo pa rin?
CM: Actually, sa akin wala, wala talaga. Kasi, sabi ko nga, pati yung mga bagay na hindi ko pinangarap, binibigay Niya sa akin, ‘yung family ko, nasa maayos na rin sila ngayon. Hindi ako nawawalan ng work. Tuluy-tuloy lang.

B: How about your lovelife? Parang girlfriend na lang ang kulang sa ‘yo? Someone special?
CM: On my part kasi, ayoko namang humingi pa ng sobra-sobra, although nanggaling talaga ako sa wala, feeling ko naman, nae-enjoy ko naman ‘yung buhay ko kahit wala pa ‘yun. Sa mga swerteng dumarating sa akin, magrereklamo pa ba ‘ko?

B: Talaga bang sinasadya mo na huwag munang magka-girlfriend sa ngayon dahil baka magalit ang fans?
CM: Hindi naman sa sinasadya. Kasi bilang tao, siyempre, ayaw mong makasakit ng kapwa, kung sa tingin mo, hindi mo naman mabibigyan ng enough time ang isang bagay, mas mabuting huwag muna

.Hindi sa nagrereklamo ako, pero talagang wala na akong time minsan sa family ko, sa sarili ko, halos hindi na ako nakakauwi ng bahay. Alam mo, dumarating pa nga ‘yung time na halos hindi ko na maibuhos ‘yung tubig sa katawan ko kapag naliligo ako, dahil sa pagod. Kaya sabi ko, saan ko pa ipapasok ‘yung lovelife.

B: Napakalaki ng nagawang pagbabago sa career mo ng ABS-CBN, anong feeling na nandiyan ka na sa level mo ngayon?
CM: Napaka-thankful ko talaga sa ABS kasi from the time na nagsimula ako hanggang ngayon dire-diretso naman talaga. Siyempre, nagsimula ako sa wala, e. Alam ko kung paano mabuhay nang walang-wala, di ba, kung ipapasok ko lahat, tapos ngayon pa ba ako magwawala-wala, ngayon ko pa ba iintindihin ‘yung mga gusto ko, mga angst ko.

Alam ko, hindi permanente ang lahat ng ito, kaya kumbaga, bakit hindi muna ako mag-concentrate du’n sa mga bagay na ibinibigay sa akin, and then later on kapag hindi na ganu’n ka-okay, ang daling balikan yan, e. Sabi ko nga sa mga friends ko, ‘yung mga nagtatampo na hindi mo na sila napupuntahan, tapos sasabihin nagbabago ka na. Ang sinasabi ko sa kanila, sana intindihin nila ako.

Kasi alam ko naman na nandiyan lang sila, panghabambuhay ‘yung pagkakaibigan, e, ‘yung trabaho ko, lagi akong nagri-ready dahil alam kong hindi ito forever. Iikot ang mundo, mag-iiba ang flavor, mag-iiba ang gusto ng tao. Ngayong nandito na ako, sinasamantala ko lang, at pinagbubutihan ko ang trabaho ko.

B: Mayaman ka na ba? Ang dami-dami mo kasing projects, di ba?
CM: Hindi pa naman po. Gusto ko pa pong makaipon kahit paano para kapag dumating ‘yung time na wala na ‘ko rito sa showbiz, may sapat akong halaga para magsimula uli.

Sabi ko nga, kung magpapabaya ako ngayon, kung magbabaliw-baliwan ako, iintindihin ko ‘yung gusto ng katawan ko, gimik, barkada, girlfriend, e, baka bukas paggising ko, wala na lahat. So, dapat pag-igihan ko muna ‘yung work ko, and then isang araw paggising ko, pag hindi na ako ganu’n ka-busy, mababalikan ko lahat ‘yung mga hindi ko nagawa.

Sabi ko lagi kong pinaghahandaan ‘yung future, kasi alam ko na ‘yung takbo ng buhay.

B: Sobrang busy ka, hindi ka pa ba nakakaramdam ng pagod? ‘Yung parang ayoko na?
CM: Sobrang nakakapagod, oo. Sabi ko nga tao lang din naman ako. Pero ano ba ang gusto ko ‘yung mapagod ako nang walang ginagawa o ‘yung mapagod ako na may mga rewards na kapalit?

B: Saan ka kumukuha ng inspirasyon ngayon bukod sa family mo at sa mga kaibigan?
CM: Alam mo, ang barkada ko talaga sa taping o sa shooting mga matatanda. Siyempre nagkakakuwentuhan, blessed ako na makasama sila dahil marami akong natututunan sa buhay dahil sa kanila. ‘Yung mga na-experience nila, ikukuwento nila sa akin, so ako, naiiwasan ko na ‘yun.

B: Ano ang masasabi mo sa mga taong patuloy na naninira sa ‘yo?
CM: ‘Yung pinagdaanan ko mula sa indie films, 2004 ako nag-start talaga, e. Mula 2004 hanggang 2008, talagang dumaan ako sa butas ng karayom. Lahat ng masasakit na salita, lahat ng mga rejections, mga panlalait, dinaanan ko naman lahat ‘yun, e. Hindi naman ako basta naging ganito na lang.

Tingin sa akin ng marami boldstar lang, ka-cheapan na artista, napagdaanan ko ‘yan, pero tine-treasure ko ‘yan, kasi ‘yun ‘yung nagpapatibay sa akin. Dahil sa mga pinagdaanan kong ‘yun, kaya grabe ang appreciation ko kung anuman ‘yung meron ako ngayon.

‘Yung mga naninira, ‘yung mga ayaw sa akin, okay lang din ‘yun dahil nababalanse ka, e. Siyempre mas okay kung lahat gusto ka, pero hindi nga ganu’n ang buhay, di ba? Tsaka, mabuti rin ‘yung may mga pumupuna sa ‘yo kasi du’n ka natututo, du’n mo maiisip, ‘Naku, baka nga mali ‘yung nagawa ko.’ So, that’s the time na tatamain mo ‘yung mga mali mo.

B: Kumusta naman ‘yung sinasabing anak mo kay Katherine Luna? Nagkita na ba kayo?
CM: Hindi pa po, e. Wala pa, e. Magulo pa kasi. Ako, sabi ko, sa tamang panahon. Kasi ayokong daanin sa showbiz. Naniniwala po ako na darating din ‘yung time na maaayos lahat. Siguro hindi pa po talaga ngayon.

B: May bago kang ka-loveteam, si Angeline Quinto at kayo talaga ang magdadala ng pelikula n’yong “You Light Up My Life”, may pressure ba? Tingin mo kakagatin ng manonood ang loveteam n’yo?
CM: Ayoko kasing isipin ‘yung pressure, basta kami, ine-enjoy lang namin ‘yung trabaho. Kasi pag inisip mo yung pressure negative, e. Baka maapektuhan pa ‘yung trabaho mo. So, natural lang, relax lang. Hindi ‘yung, kailangan galingan ko ang acting ko dito, kailangan mag-effort talaga ako. Nagiging denumero ka kasi, e, nagiging technical, hindi na natural.

B: First time aakting si Angeline, at sa movie pa? Kumusta siya bilang aktres?
CM: Bilib ako sa kanya, natural siya, malalim ‘yung pinaghuhugutan niya. At serious siya sa trabaho niya. Nu’ng una nga, workshop pa lang, talagang hindi niya alam ‘yung blocking, ‘yung readings, pero everyday nakikita mo ‘yung development niya. Magaling siya. Minsan nga ako pa ‘yung laging nagkakamali sa mga eksena, e. Siya laging take one lang. Galing!

Read more...