Mo Twister naduwag dahil kay Rhian

WALA na ngang makapipigil pa kay DJ Mo Twister sa pag-alis papuntang New York para mahanap ang kanyang sarili.

Ibinebenta na niya ang kanyang mga kagamitan sa bahay, plano niyang parentahan na lang ‘yun habang wala siya dito, magulong-magulo ang utak ngayon ng deejay-TV host.

Si Mo Twister ang eksaktong ehemplo ng isang taong napakatapang ng imahe sa publiko, wala siyang pakialam kung sinuman ang kanyang masagasaan, pero isang babae lang pala ang magpapaduwag sa kanya.

Hiwalay na sila ni Rhian Ramos, ‘yun ang gusto nilang ipakita sa buong mundo ng dalaga, pero nakikita pa rin naman silang magkasama at nu’ng maospital nga si Mo ay nagbantay pa si Rhian.

 

May problema si Mo sa pamilya ng aktres, tutol na tutol ang mga ito sa kanya, kung gaano kalalim ang ugat ng kanilang hidwaan ay tanging sila pa lang ang nakakaalam sa ngayon.

Basta ang palaging sinasabi ni Mo Twister ay magulong-magulo raw ang takbo ng kanyang lovelife ngayon, para raw siyang nasa gitna ng dilim, ang dahilan kung bakit gusto muna niyang mapag-isa sa New York .

Maraming nanghihinayang sa magagandang oportunidad na iiwanan dito ni Mo, lalo na ang mga programa niya sa TV5, pero parang wala naman siyang pakialam.

Ang kailangan daw niyang harapin ngayon ay ang kanyang personal na buhay, gusto raw niyang makita ang kanyang sarili, ganu’n kadiretso ang disposisyon ni Mo sa ngayon.

Para tuloy gusto naming isipin na napakalalim ng kanyang problema, hindi siya paduduwagin ng mga simpleng problema lang, para magdesisyon siyang iwanan ang kanyang trabaho dito ay matinding-matindi nga ang dinadala at pinagdadaanan niya ngayon.

Read more...