Spurs tiklop sa Nets; Bulls taob sa Warriors


NEW YORK — Kinamada ni Alan Anderson ang 19 sa kanyang 22 puntos sa second half para tulungan ang Brooklyn Nets na maiwanan ang kulang sa tao na San Antonio Spurs at itala ang 103-89 panalo sa kanilang NBA game kahapon.

Bagamat hindi nakapaglaro sina Tony Parker, Tim Duncan, Manu Ginobili at Kawhi Leonard, ang kanilang top four scorers, ang Spurs ay nakadikit pa sa limang puntos sa kaagahan ng ikaapat na yugto bago tuluyang maiwanan ng Nets.

Nag-ambag naman si Deron Williams ng 16 puntos at walong assists para sa Brooklyn na winakasan ang six-game losing streak kontra San Antonio para itala ang unang panalo magmula noong Marso 29, 2010.

Bugbog-sarado sa isang punto ng laro, dalawang manlalaro ang nagsuot ng facial mask para maprotektahan ang kanilang ilong para sa Spurs na nahulog sa 2-1 kartda sa kanilang nine-game rodeo trip.

Bagamat nagawa namang makabangon ng Spurs mula sa matinding pagsubok sa kanilang 125-118 double-overtime pagwawagi kontra Washington Wizards noong Huwebes subalit kinapos naman sa umaangat ang laro na Brooklyn.

Umiskor si Cory Joseph ng 18 puntos para pamunuan ang Spurs habang si Danny Green ay nagdagdag ng 17 puntos at si Patty Mills ay may 16 puntos.

Warriors 102, Bulls 87
Sa Oakland, California, nagtala si Stephen Curry ng 34 puntos at siyam na assists habang si Klay Thompson ay umiskor ng 22 puntos para sa kulang sa tao na Golden State Warriors na bumangon mula sa 16 puntos na paghahabol sa first half para talunin ang Chicago Bulls.

Ang mga big men na sina Andrew Bogut at David Lee ay hindi nakapaglaro dahil sa injury subalit nag-init ang shooting ng Golden State backcourt tandem nina Curry at Thompson matapos na mapag-iwanan ang kanilang koponan sa ikalawang yugto, 34-18.

Si Curry ay nagtapos na may 13-for-19 shooting habang si Thompson ay tumira ng 8 of 16 mula sa floor para bigyan ang mga Warriors fans ng rason  upang magdiwang matapos na matalo sa lima sa kanilang naunang pitong home games.

Si Taj Gibson ay gumawa ng 26 puntos at 13 rebounds para pangunahan ang Chicago.

( Photo credit to INS )

Read more...