Vhong swerte, binigyan pa ng ikalawang buhay ng Diyos


Isang matinding ba-ngungot ng buhay ang nalampasan ni Vhong Navarro. Puwedeng ibilang ang pinagdaanan niya sa literal na tinatawag na between life and death.

Masuwerte pa rin ang actor-dancer-TV host dahil binigyan pa siya ng panibagong buhay ng Panginoon. Ngayon ay nakababawi na siya nang paunti-unti, nakapaglalakad na, pumupusyaw na rin ang nangingitim niyang mga mata at pisngi dahil sa tindi ng mga inabot niyang pisikal na pananakit.

Pinagkaguluhan si Vhong nang personal siyang maghain ng kanyang sinumpaang-salaysay sa DOJ nu’ng nakaraang Huwebes nang hapon, matindi ang pakikisimpatya sa kanya ng ating mga kababayan, kung nakamamatay nga lang ang mga galit at pagmumura ay matagal nang patay ngayon ang mga taong nanakit sa kanya.

Sa paggulong ng hustisya para sa aktor ay personal na niyang makakaharap sina Cedric Lee at Deniece Cornejo at ang iba pang mga taong nagtulong-tulong na manakit sa kanya.

“Sana nga, maging mabilis ang paglutas sa kasong ito para maparusahan na ang mga nambugbog kay Vhong. Kailangang maparusahan sila, kailangan nilang pagbayaran ang mga ginawa nila kay Vhong!” puro ganu’n ang mga mensaheng ipinaaabot ng ating ma kababayang nagmamahal sa aktor.

Sa paglabas ni Vhong sa ospital ay naluluha siyang nagpasalamat sa lahat-lahat ng mga taong sumusuporta sa kanya. Mula sa kanyang pamilya, mga kaibigan, mga katrabaho at maging sa mga tagahanga niyang hindi bumitiw ng pagmamahal mula nang mangyari ang bangungot sa kanyang buhay.

Mas mabilis pang paggaling para kay Vhong Navarro at harinawang hindi siya paduwagin ng masaklap na kaganapang ito sa kanyang buhay.

( Photo credit to INS )

Read more...