RAIN OR SHINE ASINTA ANG SILYA SA FINALS

Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
8 p.m. Rain or Shine vs Petron Blaze

BAGAMAT hindi nila makakasama ang kanilang head coach, sisikapin ng Rain or Shine na tapusin na ang Petron Blaze sa Game Five ng best-of-seven semifinal round ng PLDT myDSL PBA Philippine Cup mamayang alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Sa kabila ng pagkaka-thrown out kay coach Joseller “Yeng” Guiao sa kalagitnaan ng third quarter ng Game Four ay dinaig ng Elasto Painters ang Boosters, 88-83, para sa 3-1 bentahe sa serye.

Si Guiao ay natawagan ng ikalawang technical foul nang murahin niya ang referee matapos na ma-foul ni Alex Cabagnot si Jervy Cruz may 6:30 ang natitira sa third quarter. Sa puntong iyon ay lamang ang Boosters, 60-54.

Nag-init ang Elasto Painters na pinamunuan nina Jeff Chan at Ryan Araña upang mapalis ang abante ng Boosters at magwagi.

Iyon ang ikalawang pagkakataong na-thrown out si Guiao sa serye. Natawagan din siya ng dalawang technical fouls sa Game Three at itinapon may higit na isang minuto ang natitira sa third quarter. Malaki na ang lamang ng Boosters sa puntong iyon. Nagwagi ang Petron, 106-73.

Noong Lunes, habang palabas ng hardcourt ay pinasulutan ni Guiao ang direksyon tungo sa Commissioner’s row. Dahil dito ay ipinatawag siya ni commissioner Chito Salud.

Matapos na hingin ang kanyang paliwanag, si Guiao ay sinuspindi ng isang laro at pinagmulta ng P100,000.

Ang hahawak sa Elasto Painters mamaya ay si assistant coach Caloy Garcia na nagsabing susundan na lang nila ang game plan at umaasa siyang magiging maganda ang execution ng mga manlalaro.

Ang ibang sasandigan ni Garcia ay sina Gabe Norwood, Beau Belga, Paul Lee, JR Quinahan at mga rookies na sina Raymond Almazan at Alex Nuyles.

Kung mananalo ang Elasto Painters ay didiretso na sila sa best-of-seven Finals kung saan makakatapat nila ang magwawagi sa laban ng Barangay Ginebra San Miguel at San Mig Coffee simula sa isang linggo. Magbabalik si Guiao at magpapatuloy ang kanyang pag-asinta sa kauna-unahang All-Filipino championship niya.

Subalit hindi naman basta-basta titiklop ang Petron Blaze.

Kahit pa kailangan ng kanyang koponan na magwagi sa tatlong sudden-death matches upang umabot sa Finals, naniniwala si Petron coach Gelacio Abanilla III na kaya nilang gawin ito.

Read more...