CLEVELAND — Kinailangan ng kulang sa tao na Los Angeles Lakers na manatili si Robert Sacre sa loob ng court matapos na ma-foul out ito sa fourth quarter ng kanilang 119-108 pagwawagi sa Cleveland Cavaliers kahapon.
Umiskor ang rookie na si Ryan Kelly ng career-high 26 puntos habang itinala ni Steve Blake ang kanyang kauna-unahang career triple-double sa ginawang 11 puntos, 15 assists at 10 rebounds para tulungan ang Los Angeles na putulin ang seven-game losing streak. Ang Lakers ay tumira ng 18 for 37 mula sa 3-point range subalit ang unang panalo ng Los Angeles sa loob ng dalawang linggo ay nabalutan ng kakaibang pagtatapos.
Ang Lakers ay mayroon lamang walong manlalaro na pwedeng maglaro kahapon sa laban. Matapos na magkaroon si Nick Young ng left knee injury sa first half ay na-foul out naman si Chris Kaman sa kaagahan ng fourth quarter. Inilabas naman sa huling yugto si Jordan Farmar matapos magkaroon ng injury para magkaroon na lamang ng limang manlalaro ang Los Angeles.
Napatawan naman si Sacre ng ikaanim na foul niya may 3:32 ang nalalabi subalit nanatili siya sa laro dahil si coach Mike D’Antoni ay wala nang ipapalit na manlalaro. Pinatawan naman ang Lakers ng technical foul.
Si Farmar ay umiskor ng 21 puntos habang si Wesley Johnson ay nag-ambag ng 20 puntos para sa Lakers.
Pinangunahan ni C.J. Miles ang Cleveland sa ginawang 27 puntos. Si All-Star point guard Kyrie Irving ay nagtapos na may 11 puntos para sa Cavaliers na natalo sa ikaanim na sunod na laro.
Spurs 125, Wizards 118 (2OT)
Sa Washington, si Tim Duncan ay umiskor ng season-high 31 puntos bago nag-foul out sa ikalawang overtime para tulungan ang San Antonio na talunin ang Washington Wizards.
Kinamada ni Patty Mills ang 11 sa kanyang 23 puntos sa dalawang overtime para sa Spurs, na tinalo ang Wizards sa ika-16 na diretsong pagkakataon magmula pa noong Nobyembre 12, 2005. Naungusan din ng Spurs ang 15-game domination ng Miami sa Charlotte para sa longest current team-vs.-team streak.
Humablot din si Duncan ng 11 rebounds habang si Danny Green ay nagdagdag ng 22 puntos para sa for San Antonio.
Si Tony Parker ay inilabas naman sa laro matapos ang halftime bunga ng pananakit sa kanyang lower back.