14 nalason sa PUP

Ni Marvin Balute

LABING-APAT na estudyante ng Polytechnic University of the Philippines ang isinugod sa ospital makaraang malason sa kinain nila sa canteen sa Sta. Mesa, Maynila.

Ayon kay Insp. Cicero Pura ng Manila Police District-Station 8, alas-12:58 ng hapon nang makatanggap sila ng ulat na isi-nugod sa UERM Hospital ang mga estudyante.

Ani Pura, bigla na lamang nagsuka, nahilo at nanghina habang kumakain ng tanghalian sa canteen ang mga di na pina-ngalanang estudyante sa pagitan ng 10:30 at 11:30 ng umaga.

Agad namang sinuri ng school doctor ang mga estudyante na nagrekomendang dalhin ang mga ito sa pagamutan.

Matapos ang ilang oras ay pinauwi rin ng mga doktor ang mga estudyante at sinabing sa bahay na lamang ituloy ang gamutan.

Samantala, magsasagawa ng imbestigasyon ang pamunuan ng PUP sa mga kantina sa loob ng eskuwelahan upang madetermina kung sino ang dapat managot sa pangyayari.

Ayon kay PUP President Dante Guevarra: “We’ll check the canteen and see the quality of the food served. We have concessionaires so we’ll see which one served the food,” aniya.

Read more...