Ligtas ka pa ba?

KUNG ang pagbabasehan ay ang mainit-init na ulat ng Global Financial Integrity (GFI), US think tank na nakabase sa Washington, kailangan ngang patayin ang mga smugglers, tulad ng banta ni Davao City Rodrigo Duterte. Simula nang manungkulan ang anak nina Ninoy at Cory, na galit sa nakawan at katiwalian, nawalan ang bansa ng P65.5 bilyon taun-taon (ang pinakamalaking lugi ng gobyerno ay P173.5 bilyon, na naganap noong 2011, pangulo na si Aquino). Dahil diyan, mas madaling maiintindihan ng arawang obrero, ng taumbayan, kung bakit siya nananatiling lugmok sa kahirapan at malapit na siyang masiraan ng bait kung paano pagkakasyahin ang kakarampot na minimum wage sa pagbayad sa pasahe sa tricycle, jeepney o bus, renta sa kapirasong tinutuluyan at pambili ng napakamahal na LPG at pagkain sa araw-araw, di pa kasama ang mga gamot.

Nagoyo ang arawang obrero sa di pala totoong “Kung walang korap, walang mahirap” at daang matuwid. Pero, wala nang magagawa ang mahihirap, magsisi man siya at lumuha ng dugo sa pagboto kay Noynoy. Mamatay man ang mahihirap, wala namang ginagawa ang gobyerno para maibsan ang bigat ng pamumuhay.

Isang ginang na naman ang pinatay ng kanyang mister dahil sa selos. Isang katulad na kahindik-hindik na krimen ang naganap noong 1976 nang abutan ni mister ang kanyang misis na pinapatungan. Kumuha ng gulo si mister at itinarak ito sa dalawang nagpapasarap. Destiero ang hatol ng korte sa mister at di siya nabilanggo. May katulad ding nangyari sa Davao noong dekada 90, nang madatnan ng umuwing sundalo na nakapatong ang pari sa kanyang misis. Dahil sa napakaraming biglang-liko, mahirap nang mahuli sa akto ang babae. Kaya sa nakalipas na pamamaslang ng mga lalaki sa kanilang mga misis, nagsisimula ang galit sa pakakadiskubre ng malalambing, mapang-akit at nagpapainit na text messages.

Walang binabanggit na pang-unawa ang batas dito dahil ang batas ay ginawa noong wala pang cell phone. Sa naganap na katulad na krimen sa Barangay Bagong Silang, Caloocan tatlong taon na ang nakalilipas, hindi nagsisi si mister sa pamamaslang sa kanyang misis.

Naglatag ng police checkpoint sa ibaba ng tanggapan ng Bandera, sa kanto ng Mola at Pasong Tirad sa Makati kahapon.

Maraming nakamotor ang pinara at sinita.

Maraming kawani na ng Inquirer Group ang nahahablutan at nahoholdap pag labas ng gusaling MRP Plaza.

Una rito, naglagay ang Security Bank ng ATM machine sa mismong loob ng gusali para hindi na nasusundan ang mga kawani na nagwi-withdraw sa apat na malapit na bangko. Ang ibig sabihin, talamak na ang krimen at noong 2013, inamin ng National Police na naitala ang 1.2 milyon krimen. Hindi kasama ang mga krimen na hindi na isinusumbong ng mga biktima. Ligtas ka pa ba?

MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Ang tunay na lalaki ay marunong mag-sorry, lalo na kung ito’y alang-alang sa kapwa.

Nakakabilib si Erap kasi handa siyang mag-apologize para sa bayan. Yan ang tunay na lalaki. Paran si Duterte na kayang pumatay at makulong for the sake of the country. You are the good example. Sana ang iba diyan, matauhan na at iwasan na ang pagkamaldita dahil ang kawawa ay ang ating mga kababayan na nagtatrabaho sa ibang bansa. Mag-sorry ka na preee. …2920

Ang gusto ni Mayweather, matalo si Pacman kay Bradley para makaiwas si Mayweather na labanan si Pacman. …8940

Read more...