Ayaw na palang buhayin ni Kuya Germs ang That’s Entertainment. Kung noon ay gustung-gusto niyang maibalik ito sa ere, ngayon ay nagbago na ang isip niya.
Sa presscon ng 18th anniversary celebration ng Walang Tulugan with the Master Showman na napapanood pa rin tuwing Sabado ng gabi (o hatinggabi na kung minsan), sinabi ni Kuya Germs na mas makabubuting patahimikin na forever ang That’s Entertainment, at manatili na lamang itong magandang alaala sa isipan ng mga Pinoy.
“Legacy na kasi ‘yon, eh. History na. Sabi rin nga sa akin ni Ma’am Wilma (Galvante) nu’ng araw, ‘Kuya Germs, hayaan mo na ‘yung That’s Entertainment. Markado na ‘yan.’
“So nakikita ko naman, kung maniniwala kayo sa akin, sino ba ang unang nag-create ng unang-unang reality show? Siguro ako na ‘yung panahon na walang gumagawa ng labanan ng production numbers nu’ng araw. Na ipinakikita mo ‘yung workshop on the air, dancing, singing, hosting, newscasting. May pinatunguhan naman ang mga bata sa That’s,” paliwanag ng veteran and award-winning TV host-comedian.
Ayon pa sa Master Showman, hindi siya nagsisisi na nanatili siyang Kapuso ng mahabang panahon, kahit na nga gabing-gabi na kung umere ang Walang Tulugan.
“Kung ‘yung offer na pagsubok sa akin at pinatulan kong lumipat, siguro hindi ako tatagal ng ganito. Siyempre, iba itong ginawa mo na pinatunayan sa GMA. Let’s face it, ‘pag isang show, hindi kumikita, kina-cancel na agad.
“Ang Walang Tulugan, hindi kumikita. Walang kita because ang advertisers, ang budget nila sa primetime. Huli na ‘yan kung meron man. Pero hindi ako pinapabayaan ng kumpare ko ng Hapee Toothpaste. Yung dapat na ibulsa ko, ‘yun ang binibigay ko sa mga bata (co-hosts niya). ‘Yung bata diyan, hindi ko mabi-blame ang management ng GMA na hindi binibigyan ng ano, dahil wala namang budget talaga.
“So ang pamamaraan ko, binibigay ko sa mga bata ‘yung incentives ng GMA,” pahayag pa ni Kuya Germs.
In fairness naman kasi sa Walang Tulugan, marami talaga itong tagasubaybay, at isa na kami roon at ang ilan naming mga kapitbahay. Ilan naman sa mga co-hosts ng show na dumalo sa presscon ni Kuya Germs ay sina Shirley Fuentes, Sharmaine Santiago, John Nite, Jake Vargas, Ken Chan, Hiro Peralta, Arkin del Rosario at Aki Torio.
Kaya sa lahat ng loyal fans ng Walang Tulugan, abangan bukas ang bonggang-bonggang selebrasyon nina Kuya Germs, at promise niya, maraming big stars ang aapir sa show!