Ika-3 sunod na PBA Player of the Week award kay Barroca

PARA kay San Mig Super Coffee Mixers guard Mark Barroca ang pag-angat ng kanyang laro ngayong season ay maikikredito niya kay assistant coach Johnny Abarrientos.

Si Barroca, na nasa ikatlong taon niya bilang pro cager, ay isa ngayong manlalaro na may misyon dahil umiiskor, nagbibigay ng pasa at dumedepensa siya para tulungan niya ang San Mig Coffee na makuha ang 2-1 series lead laban sa Barangay Ginebra San Miguel sa kanilang PLDT myDSL PBA Philippine Cup best-of-seven semifinals series.

Ang 5-foot-10 guard na tubong-Zamboanga ay umiskor lamang ng limang puntos sa series opener subalit ang kanyang turnaround shot sa harap ng depensa ni LA Tenorio sa mga huling segundo ng laban ang naghatid sa San Mig Coffee sa dikitang 85-83 pagwawagi sa Barangay Ginebra.

Nakabawi ang Barangay Ginebra sa Game Two matapos tambakan ang San Mig Coffee, 93-64.

Subalit sa Game Three ay pinangunahan ni Barroca ang ratsada ng Mixers kung saan kinamada niya ang 15 sa kanyang career-high 25 puntos sa second half para tulungan ang San Mig Coffee na itala ang 97-89 panalo at makontrol ang serye.

Ang dating Far Eastern University playmaker ay nag-ambag din ng walong rebounds, limang assists at tig-isang steal at block para sa Mixers, na hangad mahablot ang 3-1 bentahe bukas.

Bunga ng kanyang mahusay na paglalaro, nakopo ni Barroca ang ikatlong sunod na Accel-PBA Player of the Week award para sa period na Enero 24-Pebrero 2.

Tinalo niya para sa lingguhang parangal si Rain or Shine Elasto Painters guard Paul Lee.

Read more...