Wizards winakasan ang winning streak ng Thunder

WASHINGTON — Kinamada ni John Wall ang 15 sa kanyang 17 puntos sa second half para pamunuan ang Washington Wizards sa 96-81 panalo laban sa Oklahoma City Thunder at wakasan ang 10-game winning streak nito sa kanilang NBA game kahapon.

Dalawang araw matapos na mapiling maglaro sa All-Star game sa unang pagkakataon, si Wall ay nagtala rin ng 15 assists at anim na steals habang tumira rin siya ng 7 for 11 mula sa field matapos ang halftime para makabawi mula sa 0-for-7 shooting sa first half. Si Trevor Ariza ay nagdagdag ng 18 puntos at nadepensahan ng maigi si Kevin Durant, na gumawa ng 26 puntos mula sa 8-for-21 shooting at 0 for 6 sa 3-point range at nakagawa ng limang turnovers.

Ang panalo ay naghatid din sa Wizards sa .500 sa ikapitong pagkakataon ngayong season. Sakaling manalo sila bukas sa Portland Trail Blazers ang Washington ay magkakaroon ng winning record sa kauna-unahang pagkakataon magmula noong Oktobre 2009.

Heat 106, Knicks 91
Sa New York, nagtala si LeBron James ng 30 puntos, walong rebounds at pitong assists para tulungan ang Miami Heat na makaiwas sa winless season sa Big Apple at tapusin ang four-game winning streak ng New York Knicks.

Si Dwyane Wade ay nag-ambag ng 22 puntos para sa Heat, na nakaiwas na maging kauna-unahang koponan na magtala ng
0-4 record sa New York ngayong season matapos matalo sa kanilang naunang laro sa Madison Square Garden nitong nakaraang buwan at ang mga laro nito sa Brooklyn.

Gumawa naman si Carmelo Anthony ng 26 puntos at walong rebounds para sa Knicks, na may 4-1 karta laban sa Heat sa nakalipas na dalawang seasons subalit hindi naman nakaporma sa larong ito.

Pacers 97, Nets 96
Sa Indianapolis, umiskor sina Paul George at Roy Hibbert ng tig-20 puntos para pangunahan ang Indiana Pacers sa panalo kontra Brooklyn Nets.

Read more...