Masaya kami para kay Mark Neumann, isa sa matatagumpay na produkto ng Artista Acedemy ng TV5, dahil hanggang ngayon ay abala sa trabaho ang bagets actor.
Hindi siya nagkamali sa kanyang desisyon na bumalik na ng Pilipinas para hanapin ang kanyang suwerte dito sa ating bayan, sa Europe na kasi siya lumaki, pabaka-bakasyon lang siya rito nu’n.
May armas naman kasi si Mark sa kanyang pagpasok sa lokal na aliwan, guwapo na siya ay nagsisikap pa, alam niya na walang magagawa ang kakisigan kundi ‘yun kakambalan ng propesyonalismo at pagtutok nang husto sa larangang pinasok niya.
“I never stopped learning. Malaki po ang nagawa sa akin ng Artista Academy, dahil during the competition pa lang, panalo na ako because nag-workshop kami, nag-voice lessons and ‘yung talent ko naman sa pagsayaw, nadagdagan pa,” nakangiting pahayag ng guwapong tisoy.
Isa sa mga kabataang artistang abala ngayon sa TV5 si Mark Neumann, magaganda ang proyektong ibinibigay sa kanya ng network, itinuturing niyang napakalaking suwerte sa kanya ang pagbibida sa isang pangtelebisyon pero parang pampelikula nang palabas kasama si Alice Dixson.
“This movie for television that TV5 gave me is a May-December type of story, I fell in-love with a woman who’s older than me, sobrang minahal ko siya, maganda ang kuwento.
“And I’m so lucky because ako ang napili ng TV5 para maging partner ni Ms. Alice sa movie for television. Napakalaking opportunity nito for me,” masayang-masayang balita ni Mark.
Bukas nang gabi na ipalalabas ang The Lady Next Door, bahagi ito ng apat na istoryang tapusan tuwing Martes nang gabi ngayong buwan ng Pebrero, ang TV5 Original Movies.
Palagi raw niyang katabi ang suwerte ngayon, sabi ni Mark Neumann, pero ang suwerte ay mababalewala kung wala ang pagsisikap.
( Photo credit to Google )