NEW YORK — Nagwakas ang 30-point streak ni Kevin Durant sa 12 laro matapos umiskor ng 26 puntos sa loob ng 30 minuto subalit inuwi naman ng Oklahoma City Thunder ang ika-10 diretsong panalo sa pagtala ng 120-95 pagwawagi kontra Brooklyn Nets sa kanilang NBA game kahapon.
Si Serge Ibaka ay hindi sumablay sa 12 tira niya para mag-ambag ng 25 puntos at humablot ng siyam na rebounds para sa Thunder, na hindi na ginamit si Durant sa kabuuan ng ikaapat na yugto.
Si Durant, ang kasalukuyang NBA leading scorer, ay tumira lamang 10 of 12 mula sa field bagamat ang scoring average niya ngayong Enero ay bumaba mula sa 36.6 sa 35.9 puntos.
Ang Oklahoma City ay tumira ng 63.6 percent, ang pinakamataas ngayong season sa NBA, at na-outrebound nila ang Brooklyn, 41-17. Nakagawa naman si Shaun Livingston ng 16 puntos kahit naitoka sa kanya ang pagbabantay kay Durant.
Warriors 95, Jazz 90
Sa Salt Lake City, ibinuslo ni Stephen Curry ang walong 3-pointers para makaiskor ng season-high 44 puntos at pangunahan ang Golden State Warriors sa panalo laban sa Utah Jazz na pinarangalan ang dati nitong coach na si Jerry Sloan.
Ipinasok ni Curry ang 13 puntos sa ikaapat na yugto at nagawang makahabol ng Warriors mula sa siyam na puntos na paghahabol para manalo ng back-to-back na laro.
Si Andrew Bogut ay nagdagdag ng 16 puntos, 17 rebounds at limang assists para mapunan ang pagkawala ng injured player na si David Lee (shoulder, hip) at masamang shooting ni Klay Thompson, na tumira ng 3 of 20 field goals para magtala ng 11 puntos.
Si reserve guard Alec Burks ay gumawa ng 26 puntos para sa Utah.
Magic 113, Bucks 102
Sa Orlando, Florida, umiskor si Arron Afflalo ng 21 puntos habang si Tobias Harris ay nag-ambag ng 18 puntos para pamunuan ang Orlando Magic sa panalo kontra Milwaukee Bucks.
Pinutol ng Magic ang three-game losing streak at pinalawig ang kanilang home winning streak kontra Bucks sa 16 laro.
Si Nik Vucevic ay nagdagdag ng 12 puntos at anim na rebounds para sa Orlando.
Si Caron Butler ay umiskor ng 20 puntos para sa Milwaukee.
Grizzlies 94, Timberwolves 90
Sa Minneapolis, nagtala si Zach Randolph ng 26 puntos at 12 rebounds para sa Memphis Grizzlies na binalewala ang magandang paglalaro ni Kevin Love para sa Minnesota Timberwolves.