Dahil sa Facebook, sekyu nagbaril

Ni John Roson
DAHIL umano sa malalaswang larawan ng kanyang anak sa Facebook, nagbaril ang security guard sa Candelaria, Quezon, Linggo ng hapon.
Duguan at wala nang buhay nang matagpuan ng misis at anak ang guwardiyang si Buenaventura Ilagan, 52, sa loob ng kanilang bahay sa CTC-Manggahan, Brgy. Malabanban Norte, pasado alas-4, ayon kay SP03 Menardo Del Mundo, imbestigador ng Candelaria Police.
Kinakitaan ang bangkay ng isang tama ng bala sa ulo at nakuha sa tabi nito ang kalibre-.38 revolver na may karga pang tatlong bala at dalawang basyo.
Sinabi sa pulisya ng misis at anak ni Ilagan na nakarinig na lang sila ng dalawang putok ng baril mula sa master’s bedroom, at nang magtungo doo’y nakitang nakahandusay ang padre de pamilya.
“It was further learned that Ilagan committed suicide upon learning that his daughter has obscene pictures in Facebook,” sabi ni Del Mundo sa ulat.

Read more...