HINDI na bago ang sinasabing “setup” sa kaso ni Vhong Navarro. Noong panahon ni Chief Supt. Leopoldo Bataoil sa Northern Police District, maraming kaso ng “setup” ang naganap at karamihan ay sa Caloocan City North.
May nabubugbog din pero ang kaso ay nagiging rape-for-pay. Walang kinalaman si Bataoil sa mga insidenteng ito dahil dinatnan na niya ang mga bugok na pulis sa NPD.
Isa sa na-setup ay pamangkin ng koronel na bata ni Bataoil. Sa nasasakupan ng NPD, ang pain ay menor de edad na mga babae. Kaya kapag sumigaw o umiyak ang mga ito ng rape, no bail ang kaso. Kalaboso sa masikip na City Jail sa Dagat-Dagatan, sa tapat mismo ng NPD headquarters, ang mga kelot na mahihilig sa babae, sa mga batambata.
Pero, isa lang ang na-convict sa Justice Hall sa 10th ave. Lahat nadismis dahil pinera ang mga kaso. Nagbayad na lang ng malalaking halaga ang mga lalaking mahihilig sa babae.
May ilang kaso naman na umatras at di na sumipot ang sinasabing biktima dahil nagkatumbahan na (may pinatay sa panig ng pamilya ng mga biktima). Sa nagugulping mga suspek, kapag ang mga ito ay inaresto na ng pulis, walang nagrereklamo ng physical injuries. Dahil hindi sila kinakapanayam ni Boy Abunda (at bakit naman sila kakapanayamin?).
Limang araw na nagbakbakan ang mga sundalo at tropang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa Sultan Sa Barongis, Sharif Saydona at Datu Piang sa Maguindanao.
Nababahala sina Senador Juan Ponce Enrile, Vicente Sotto III at mga kinatawan na sina Rodolfo Biazon at Celso Lobregat sa tila pagmamadaling malagdaan ang pangunahing mga batas ng Bangsamoro Substate. Kailangang linawin ang teritoryo at pakikibahagi ng poder sa national government, pati na ang likas yaman.
Hanggang kahapon, hindi pa tinatanong ang mga Kristiyanong masasakop ng substate. Hindi papayag ang mga Kristiyano na sila ang mawalan ng lupain.
Sa kabilang dako, kapwa inaangkin ng Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front ang buong Mindanao bilang kanilang ancestral land, o minanang lupain sa kanilang mga ninuno.
Ayon kay Lobregat, walang sinasabi ang Framework Agreement with Bangsamoro (FAB) kung susunod ito sa Saligang Batas.
Bukod sa patuloy na pagdanak ng dugo, namemeligro pang mabalewala ang Saligang Batas.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Kung si Davao City Mayor Rody Duterte lang sana ang mamamahala sa pagtatayo ng bunkhouses, walang budget na makukupit kasi alam nilang six feet below the ground ang aabutin nila. We need the toughest leader to avoid wrongdoings. Amil, Tagum City.
Kawawa yung na-displaced sa Quezon City recently. Biktima sila ng kurakot government officials. Ang laki pala ng PDAF nila, pagkatapos hindi nila nai-relocate yung needy families. Pinaaalis sila nang walang relocation site. Dito sa Davao at Tagum City, may sariling bahay na ang mga squatter, kahit walang PDAF. Diyan sa inyo, may PDAF, SARO at balato na kay P-Noy, luhaan pa rin ang mahihirap. Mamad Ajamadin, 50
Para madepensahan ang pera ng bayan sa Customs, dapat gumawa ng dalawang team, ang isa galing sa Mindanao at ang isa ay sa Visayas. I-apply ang trapping system. Next day, from Mindanao naman, i-apply ang one-on-one pressure system, gamit ang intimidation para ma-torture ang mga sindikato. Dapat hindi taga-Luzon para walang tayo-tayo at pera-pera. Dapat sundin ang Duterte style of government, hindi yung P-Noy o De Lima style na puro lang dada. Norajah, Zamboanga.
Tama ang inyong topic hinggil sa mga recruiter. Ako’y nabiktima ng agency sa Arquisa st., Ermita at nag-contract substitution ang kliyenteng kompanya sa Al Khobar, KSA. May 12% VAT pa sa placement fee. Mabuti naman dahil inilathala ninyo ang mapanlinlang na mga agencies sa Pedro Gil. …0998