HOUSTON — Umiskor si Dwight Howard ng 23 puntos habang si Terrence Jones ay may 21 puntos para pamunuan ang Houston Rockets sa 97-90 panalo kontra San Antonio Spurs sa kanilang NBA game kahapon.
Naghabol ang Rockets mula sa 15 puntos sa first half bago umiskor ng 33 puntos sa ikatlong yugto para makuha ang kalamangan.
Nakadikit ang San Antonio sa 90-88 sa huling mga minuto ng laro subalit nagtulungan naman sina Howard at Jeremy Lin para ihatid ang Houston sa pagwawagi.
Gumawa si Boris Diaw ng season-high 22 puntos para sa Spurs kabilang ang 11 rebounds. Si Tony Parker ay nagdagdag ng 17 puntos habang si Tim Duncan ay nag-ambag ng 12 puntos, 14 rebounds at apat na blocks.
Hindi nakasama ng Rockets ang kanilang leading scorer na si James Harden (bruised left thumb), na nag-aaverage ng halos 24 puntos kada laro ngayong season.
Pacers 104, Lakers 92
Sa Los Angeles, kumamada si David West ng 19 puntos habang si Lance Stephenson ay nag-ambag ng 15 puntos at 14 rebounds para pangunahan ang Indiana Pacers sa pagwawagi laban sa dumadausdos na Los Angeles Lakers.
Nagdagdag naman si George Hill ng 13 puntos at pitong rebounds para sa Pacers, na nanatiling nasa itaas ng NBA standings bagamat natalo ng dalawang beses sa kanilang West Coast trip.
Si Paul George ay nagtapos na may 14 puntos para sa Indiana. Nagtala naman si Pau Gasol ng 21 puntos at 13 rebounds para sa Lakers, na galing sa dalawang-linggong road trip at nalasap ang ika-17 pagkatalo sa 20 laro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.