Sa paglipas ng panahon…

BANDERA 19th Anniversary editionHAPPY 19th birthday, Bandera.
Marami ka nang pinagdaanan.  Marami nang nangyari sa iyo.  Tulad ng tao ay isinilang ka rin at tinunton ang mga unang hakbang.  Tulad nating lahat ay nagmahal ka rin at pinili mo ang katotohanan, kahit na ito’y masakit.  Tulad ninuman ay nangailangan ka rin at nang magkapera ay di ka naging madamot at mismong binuhay ang nagpalaki sa iyo, ang Manila Times, nang siya’y mangailangan, pati na ang pangangailangang araw-araw, hanggang sa siya’y ibenta nang mapag-initan ni Joseph Estrada.
Tulad ng karaniwang buhay, mahirap ang umpisa.  Di ka naging kimi sa usaping sekswal, kaya’t marami ang nagalit at umarteng nandiri sa iyo, bagaman binibili ka pa rin.  Hanggang sa kailangan nang magkaroon ng mga tao ang staff box.  Medyo nangilin ka para maibsan ang galit ng moralista, pero nariyan pa rin si Dr. Margarita Go-Sinco Holmes, na ipinaglaban ang katotohanan, sa pari man o sa hari.
Marami na ang nakapansin sa iyo kaya’t sumama na sina Jay Sonza at Johnny Midnight, pero tila mas may gustong sila’y naririnig kesa binabasa (sina Teodoro Valencia, Emil Jurado at Nestor Mata ay sinubukan ding mag-radyo, pero tila mas gusto silang basahin, kesa pakinggan).
Lumaban ka nang husto sa iskupan dahil 31 na ang tabloid na araw-araw ay inilalatag sa bangketa at isinisigaw sa kalye sa umaga.  Pero, ang galing mo Bandera.  Ikaw ang naka-scoop sa malalaking balita na buntis na si Kris Aquino at sa sex complaint kay Zamboanga del Norte Rep. Romeo Jaloslos(Bandera Tonight, at unang naka-blotter bilang simpleng panghihipo).
Dahil sa kasikatan ay naging matapang na rin ang iyong mga showbiz writers, hanggang sa naapakan ang makapangyarihang kaibigan ng may-ari.  Hanggang sa nag-iba na ang nagmamay-ari sa iyo.
Pero, masuwerte ka, Bandera.  Napunta ka sa mabuting pamilya ng
Prieto, sanay sa pamamahayag at walang sinisino kung may kailangang sagasaan.
At dahil nasa bagong bahay ka na, kailangang magbago na rin ang iyong anyo.  Nakahaharap ka na ngayon sa lahat nang di na kinukutya o pinupulaan.
Sa bagong bahay ay di ka rin naman iniwan ng iyong mambabasa.  Kaya’t ikaw’y itinanghal na Number One pa rin sa Visayas-Mindanao (AC-Nielsen annual survey), at patuloy na lumalaban at di nagpapagapi sa Luzon.
Ang dating isang Bandera sa araw-araw ay naging tatlo na: Bandera Luzon, Bandera Visayas, Bandera Mindanao—mula Aparri, hanggang Tawi-Tawi (di ba, mahal naming mambabasa at suki na si Rayna J. Adil, 29, ng Bongao, Tawi-Tawi?).

Read more...