BUKOD sa pagsasahimpapawid ng mga laro ng Philippine Basketball Association (PBA), tiyak na tututukan na nang husto ng mga sports fans ang TV5. Simula sa Pebrero, matitinding sports events ang mapapanood sa channel na ito.
Inilahad kamakailan ni Vincent “Chot” Reyes, na bukod sa coach ng Gilas Pilipinas ay sports director din ng TV5, na ang network ay magpapalabas ng bigating sports events tulad ng Ronda Pilipinas, 22nd Winter Olympics at PSL volleyball tournament.
Ang Ronda Pilipinas ay isang cycling classic na katatampukan hindi lamang ng mga premyadong siklistang Pilipino kundi pati ng mga dayuhan. Labing-apat na laps ito na gaganapin sa loob ng 16 araw.
Ang 22nd Winter Olympics ay gaganapin sa Sochi Russia sa Pebrero 7-23. At huwag ka, mayroon tayong pambato sa Winter Olympics kahit na walang snow sa Pilipinas!
Kasi nga, mayroon naman tayong mga figure skaters na puwedeng makapag-ensayo sa SM skating rinks. At ang ating representative ay tinutulungan ng TV 5.
Ibinalita ni Reyes na ang Olympic coverage (winter at summer) ay exclusive na sa TV5. Ito’y hindi tulad noong 2012 London Olympics na mayroon pang events na ipinalabas sa karibal na network.
“Iba na kasi ang setup ngayon. Maraming ibang considerations tulad ng partnership with Smart and PLDT na madaling ma-
access ang mga results at events,” ani Reyes.
Hindi rin kailangang mag-reprogram ang TV5 dahil sa hindi naman sasapaw sa mga existing entertainment programs ang sports programs. Ang updates ng Ronda Pilipinas ay mapapanood alas-10:30 ng gabi.
Ang Olympic events ay sa umaga o live kasi iba ang oras natin dito sa oras sa Moscow. Ang mga laro naman ng PSL ay mapapanood mula 12 ng tanghali hanggang 4 ng hapon.
At para naman sa mga nagtatanong tungkol sa Gilas Pilipinas may magandang balita din si Chot. Kasi, ginawan ng programa ng TV5 ang mga miyembro ng Gilas Pilipinas mula manlalaro, coaches hanggang sa ballboys.
Thirty-minute program kada linggo na nagpapakita ng buhay at pinanggalingan ng mga ito. Para bang telenovela na pang-sports na susundan ng mga viewers linggo-linggo.
Ito ay bahagi ng pagkuha ng suporta ng lahat sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa Fiba World Cup at sa Asian Games.
Bagamat malabo na talunin natin ang mga superpowers ng basketball sa World Cup, hangad ni Reyes na magkaroon tayo ng magandang performance.
Kung manalo tayo ng isa o dalawang games, aba’y maganda. Kaya nga nais niya na makapag-ensayo kaagad sila. At inaayos naman ng PBA ang schedule ng kasalukuyang season upang mabigyan ng sapat na panahon ang Gilas Pilipinas na maghanda.
Oo’t enjoy pa si Chot sa challenges ng coaching pero excited din siya sa challenges ng broadcasting.