First of five parts
Bahagi ng kulturang naampon ng mga Pinoy mula sa mga Chinese ay ang pagtingin sa kapalaran o Horoscope. Mayroong mga naniniwala, bagamat hindi lahat, sa kapalarang naghihintay at ginagamit na gabay upang maging masuwerte sa buhay, partikular sa negosyo at trabaho, love life, pamilya at iba’t ibang aspeto ng buhay.
Ang Chinese year o Shēngxiào (Chinese: 生肖) ay ang sistematikong pagpaplano ng hinaharap na iniuugnay sa mga hayop at mga karakter nito.
Kinapanayam ng Bandera si Master Hanz Cua upang malaman ang kapalarang naghihintay sa mga tao na isinilang sa ilalim ng iba’t ibang signs ngayong 2014, ang taon ng Wood Horse.
Si Master Hanz ay na-impluwensyahan ng kanyang ama nasi Master Oa Man Ming, na isa ring kilalang Feng Shui master sa Hongkong at China.
Nag-aral si Master Hanz sa China at mayroong diploma bilang Feng Shui Master Practitioner.
RAT
(Isinilang ng taon 1900, 1912, 1924,1936,1948, 1960, 1972, 1984, 1996, 2008)
Ayon kay Master Hanz masuwerte ang career at wealth ng mga taong ipinanganak sa Year of the Rat ngayong taon.
Babala naman niya, hindi basta-basta pumirma sa anumang dokumento ang mga taong isinilang sa ilalim ng sign na ito. Kailangang basahin muna itong mabuti at pag-aralan.
MONEY:
Pagpapasensiya ang susi para maiwasan ang pagkawala o pag-aksaya ng perang pinagpaguran.
Maraming “wealth star” ang mga taong nasa ilalim ng Year of the Rat pero kailangan nilang mag-ingat sa mga maaaring maghudas sa kanila. Mataas umano ang success rate ng Rat. Kwidaw lang sa mga taong posibleng sumaksak sa kanila sa likod – silang mga traydor.
Kung balak mag-negosyo, hinay-hinay din para iwas sa mga manloloko. Sayang ang perang pinagpaguran.
HEALTH
Mayroon ding “Accident Star” ang Rat kaya mas makabubuti na mag-ingat at kailangan ding magkaroon ng healthy lifestyle. Iwasan ang mga pagkain na hindi maganda sa kalusugan na maging daan para magkasakit.
LOVE LIFE
Ang 2014, ayon kay Master Hanz ay hindi kagandahang taon para sa pagpapakasal sa mga taong Rat. Asahan ang mood swing ng mga Rat people.
Sa mga taong ang asawa ay ipinanganak sa Year of the Rat, dapat din silang maging mapagmatyag dahil posible umano na magkaroon ng kabit ang kanilang mga kabiyak.
OX
(Silang isinilang ng 1901, 1913, 1925, 1937, 1949, 1961, 1973, 1985, 1997, 2009)
May obligasyon na dapat tugunan. Ang mga taong isinilang sa Year of the OX ay kailangang harapin ang mga utang at bayarin na iniatang kanilang mga balikat ng mga matatanda. Medyo mabigat, pero makakaya kung may determinasyon at pagkukusa.
MONEY
Sa sandaling malagpasan ang sinasabing mga obligayon o bayarin o utang, may nakikita naman si Master Hanz na dagdag sahod sa mga Ox people. Maaaring ikatuwa ito: may “Money luck” ang mga taong OX.
Mataas din umano ang tyansa na manalo sa lotto ang Ox.
Maganda rin ang “Wealth luck” ni Ox pero kailangan pa rin niyang mag-ingat sa paggastos.
HEALTH
Pinag-iingat naman ang Ox sa kanyang kalusugan. Ang taong 2014 ay magiging busy para sa Ox people. At kapag busy, asahan na palagi itong pagod. Sa sandaling mahapo o mapagod, posibleng magdulot ito ng sakit, partikular na ang stomach problem. Bantayan ang mga kinakain. Sikapin na makapagpahinga ng maayos at matulog ng sapat.
LOVE LIFE
Dapat ding maging understanding ang mga babaeng Ox ngayong taon. Maging bukas ang damdamin sa mister, sabihin ang niloloob lalo na kung merong kinakaharap na problema.
Mahalaga na maging open ang OX sa kanyang kapartner ngayon taon para iwas problema.
Sa lalaking ipinanganak sa taon ng Ox, malakas ang sexual romance nito ngayong taon. Dahil diyan, posibleng magresulta ito ng problema sa pamilya, lalo na kung ang lalaking Ox ay kasal na.
Baka magkaroon ng extra affair.
“Meron din akong nakitang betrayal sa kanya tsaka may theft and burglary star ang year of the ox so kailangan nya bantayan ung betrayal nya,” paalala pa ni Master Hanz.
TIGER
(Silang isinilang ng 1902, 1914, 1926, 1938, 1950, 1962, 1974, 1986, 1998, 2010)
Ang Tiger ay itinuturing na kakampi o kaibigan ni Horse, kaya asahan na magiging maganda ang taong ito para sa kanya.
MONEY
Maganda ang ibinibigay ng taon para sa oportunidad na makapag-invest o pumasok sa mga partnership upang mas kumita.
Ang Tiger people ay maaaring matulungan ng Horse lalo na sa kanyang working ability, dahil diyan maaaring lumawak ang responsibilidad na posibleng magdulot ng iba pang mga oportunidad.
Pero kailangan umano niyang umiwas sa mga chismis na maaaring magdala sa kanya sa kapahamakan at mga kaso.
May wisdom star din ang Tiger kaya magiging magaling siyang tagapagturo.
Pinagiingat naman sila na maging loan guarantor dahil baka siya magbayad ng uutangin ng ibang tao.
Ingatan din niya dapat ang kanyang mga alahas at pera dahil meron siyang theft and burglary star.
HEALTH
Punung-puno ng energy ang Tiger people ngayong 2014 dala ng magandang pakikitungo sa kapwa. Dadami ang outdoor activities at posibleng magkaroon ng pagkakataong makapag-travel. Bantayan lang ang mga lugar na patutunguhan. Ingatan ang mga braso at binti.
Kung may problema na dati sa puso o kaya sa tiyan, huwag nang palagpasin ang pagkakataong magpatingin sa doctor.
LOVE LIFE
Magiging pabago-bago rin ang isip ng mga Tiger. Kailangan magkaroon ng stable mind ang Tiger. Kontrolin ang mood swing lalo na at madali siyang mairita. Sa overall, magiging maganda naman ang buhay pag-ibig ng Tiger lalo pa at bibigyan ito ng effort at pang-unawa.
Magandang kombinasyon ang Tiger, Horse at Dog.
(Abangan bukas: Horoscope para sa mga taong isinilang sa taon ng Rabbit, Dragon at Snake)
MOST READ
LATEST STORIES