BAGO payagan ng Korte Suprema si Rep. Gloria Arroyo na makabiyahe sa ibang bansa, inilabas ng SWS ang third quarter survey nito na 52% (dumami) na ang bilang ng mahihirap, simula sa 49% na nakalipas na survey. Bakit di makontra ng DSWD ang dumaming pulubi na nanghihingi ng limos sa mga kalye sa Metro Manila?
Pagkalipas ng 500 araw ng Ikalawang Aquino sa puwesro, wala pang ipinatutupad na programa para maibsan ang kahirapan. Hindi kayang lutasin ang kahirapan ng bangayan. Sa kanayunan, tumaas ng 62% ang kahirapan, simula 9%, tanda na lagapak ang Conditional Cash Transfer (CCT), o ang pamumudmod ng pera sa mahihirap.
Para patunayan na lalala pa ang kahirapan pagsapit ng Disyembre, heto ang ilang balita mula sa Philippine Daily Inquirer: bubuwisan na ng BIR ang mga kontribusyon sa SSS, GSIS, Pag-IBIG Fund at PhilHealth. Ang kontribusyon ay para makakuha ng tax exemption. Sa madaling salita, wala nang magbibigay ng kontribusyon sa mga nabanggit.
Apektado ang mga obrero; maraming “miss” kesa “hits” sa Millenium Development Goals at taun-taon nang huli ang Pinas; kita ng JG Summit Group (empleyado 80,000) bagsak ng 40%; ABS-CBN at GMA7 lugi ng tig-P1 bilyon; kita ng First Gen bagsak ng 83%; IPVG lugi ng P304 milyon; kita ng Filinvest, bagsak ng 17%; kita ng Phoenix Petroleum, bagsak ng 10% (di kasya ang espasyo sa dami ng masasamang balita sa negosyo, trabaho’t kabuhayan). Ibig mo bang malibang sa di makakaing TRO? TRO o trabaho? —Lito Bautista
KUNG noon ay marami ang naaawa sa kalagayan ni Pampanga Rep. Gloria Arroyo, marami ang natigilan nang malaman nilang sumugod sa airport ang may sakit na dating pangulo ilang oras ilabas ng Korte Suprema ang TRO. Nagmukha kasing atat na makalabas ng bansa ang lider.
Duda rin ng ilan, baka alam na ng kanilang kampo ang lalabas na desisyon kasi mukhang nakahanda na ang kanilang travel bond na nagkakahalaga ng P2 milyon. Sa pagmamadaling makaalis, pati biyahe ng budget airlines ay naka-book na sila.
Meron ding nagulat sa biglang pagbaba ng TRO. Inakala nilang ipatatawag muna ang DOJ upang magsumite ng comment kaugnay ng kanilang posisyon sa watchlist order. Magpapatawag din ng oral argument para marinig ang dalawang panig bago magdesisyon.
Kung sakaling kabaliktaran ang desisyon ng SC, nakalabas na ng bansa si CGMA paano pa nila pipigilan na lumabas ng bansa. Nasa preliminary investigation na ang mga kasong isinampa laban kay Arroyo at anumang oras maaaring isampa na ito sa korte. Kung nagkataon, ang Korte Suprema ang nagbigay daan para mabalam ang pag-usad ng hustisya at siyang hahadlang sa trabaho ng gobyerno na papanagutin ang mga may sala. Sabi ng kampo ni CGMA babalik ito sa bansa.
Pero ang tanong kailan kaya siya babalik, ‘pag hindi na presidente si PNoy? Paano kung kalaban din niya ang papalit kay PNoy? Marami ang naniniwala na hindi na dapat pagkatiwalaan ang salita ni CGMA, dahil minsan na niya itong sinira. Noong 2003 sabi ni CGMA na noon ay presidente pa na hindi siya tatakbo pero tumakbo siya noong 2004 elections.
Ilang buwan makalipas ay lumabas siya sa publiko at sinabi ang kanyang “I am sorry” speech dahil sa pakikipag-usap umano kay dating election officer Virgilio Garcillano. Mainit-init pa ang mga kontrobersya ng 2004, nasundan naman ito ng alegasyon ng dayaan noong 2007 senatorial elections.
At puwede na sigurong pruweba dito ang pag-upo ni Sen. Koko Pimentel na pumalit sa puwestong inukupa ni dating Cong. Migs Zubiri. Si Koko ang nanalo sa recount na ebidensya ng dayaan. At ang nag-utos umano ng pandaraya para manalo ang mga kandidato ng administrasyon ay si Arroyo. —Leifbilly Begas
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Walang patutunguhan ang usapang pangkapayapaan hanggang magpapadala sa politiko ang ilang kinatawan. Delta Bravo
Hay buhay, parang life. Kailan kaya aahon ang bansa natin? Kasi naman, ang mga nakaupo, puro batikos. Batikos dito, batikos doon. Bakit di nila pagtuunan ng pansin ang mga problema ng bayan, kesa mangalkal ng nakaraan. …5576
Mabuti pa noong si Erap ang presidente. Tahimik ang Mindanao. Walang nagawa si P-Noy. Puro lang salita. Jhonrey, Cobatabo …1076
MAY alam ka bang katiwalian sa isang sangay ng gobyerno? Ikaw ba’y hiningan ng pera habang naglalakad ng papeles sa ahensiya ng gobyerno? O may alam ka bang opisyal ng gobyerno na may ibinabahay na iba?
May reklamo ba kayo sa mga pulis? May ibinabahay bang ibang pamilya ang pulis sa inyo? Parati ba siyang galit sa pera? O adik na ba siya? Tulungan natin ang pamahalaan na linisin ang kanilang hanay.
Tulungan din nating mapigilan ang katiwalian sa gobyerno. Sumulat sa Tropang Bandera, MRP Plaza bldg., Pasong Tirad corner Mola st., Makati City. Lakipan lamang ng Bandera logo with date ang inyong liham.