Vice Ganda binarubal, inokray si Kris

Palakpakan pa raw ang mga bossing ng Dos

KUWENTO sa amin ng mga dumalo sa ginanap na ABS-CBN trade launch sa Studio 10 nu’ng Martes ng gabi, talaga raw sumakit ang tiyan nila sa katatawa dahil sa ginawang pang-ookray ni Vice Ganda kay Kris Aquino na nagsilbing hosts sa event.

“Sa tuwing trade launch kasi, nakakaantok, kasi seryoso ‘yung mga nakukuhang hosts, so hindi nila kayang buhayin ang audience, ang tendency, naglalabasan ‘yung iba para magyosi break, magbanyo o kaya magkuwentuhan at papasok na lang kapag shows na nila ‘yung pinapakita,” kuwento ng aming source.

“Binarubal” daw kasi ni Vice si Kris na tuwang-tuwa naman daw dahil first time raw na may gumawa sa kanya ng ganu’n, “E, kasi siguro naaliw si Kris na inookray siya, si Vice lang ang nakagawa. Kasi lahat halos, sinasamba siya, natatakot siyang biruin, masyado siyang nirerespeto, so bago sa kanya ‘yung inookray siya kaya tuwang-tuwa siya.

“Like hirap si Kris umakyat sa stage kasi nga natatapilok siya, sabi niya kay Vice bakit hindi siya inaalalayan. Sabi ni Vice sa kanya, ‘Hindi mo ako alalay ‘no! Host din ako dito.  Ang dami-dami mong PSG (presidential security guard), sa kanila ka magpaalalay!’ Hayun, sobrang tawanan ang lahat,” kaswal na sabi ng aming kausap.

Iniwan pa raw ni Vice si Kris mag-isa sa stage dahil nagsasalita ang una at biglang sumingit ang host ng Kris TV kaya ang sabi raw ni Praybeyt Benjamin, “O, hayan, sumingit ka na naman, o sige ikaw na lang host dito, iwan na kita (at sabay alis daw sa stage) na ikinatulala raw ng TV host-actress.

Timing namang nasalubong namin si Vice sa labas ng ELJ Building ng ABS nu’ng Miyerkules ng gabi at natatawa rin niyang ikinuwento sa amin ang pagbarubal niya kay Kris.

“Tawa nga nang tawa sina sir Deo (Endrinal), sina Ms. Linggit (Tan), halos lahat ng executives, tawa nang tawa at tumayo pa para pumalakpak.  Aliw na aliw sila sa batuhan namin ni Kris. Hindi ‘yun scripted ha!” kuwento ni Vice.

Pati raw ang suot ni Kris na red gown with sequences ay inokray ni Vice dahil ang usapan ay simple lang daw ang isusuot nila, e, talagang nagpabongga raw ang TV host-actress kaya naloka raw si Vice dahil feeling daw ni Tetay ay siya ang may-ari ng ABS-CBN.

“Sabi nga ni Kris kay sir Deo igawa na kami ng pelikula at mag-okrayan lang daw kami, sabi ko naman, ‘Okay lang na minsan tayo magkita, kung parati, nakakaumay ka!’ Hayun, tawa na naman siya (Kris) nang tawa,” kuwento ni Vice.

Samantala, ngayong gabi na ang “Private Vice…Revealed” show ni Vice sa Metrobar, 9:30 p.m. at nabanggit nga niyang, “Pinaghandaan ko ang show, ha! Hindi lang pucho-pucho, nagpatahi pa ako ng costume ko.”

Kaya naisingit namin na nahihirapan kami sa requirements niya tulad ng gagamitin niyang mikropono na Shure ang brand, “E, halos lahat naman ng professional ‘yun ang gamit kasi maganda ang tunog, ang linaw-linaw,” katwiran nito sa amin.

Nabanggit nga rin ni Vice na kung kaya pa ng oras niya ay bibili siya ng bago niyang mikropono na aabutin ng mahigit P100,000 dahil luma na raw ‘yung sa kanya at hindi na top of the line.

Perfectionist si Vice kaya siguro gusto niya ay kumpleto ang mga gagamitin niya sa show dahil pangalan nga naman niya ang nakataya.
At nagulat pa ang komedyante nang malaman niyang mga taga-Poveda at La Salle ang manonood sa kanya, “Huwag ninyo silang ilalagay malapit sa stage, maiilang ako. Sa malayo ninyo sila iupo,” say nito sa amin.

As of now ay nasa P325 million na raw ang kita ng “Praybeyt Benjamin” at nasa top two na raw siya sa chart kung saan number one ang “Transformers” na mahirap na raw habulin dahil, “Nasa more than 400 million ‘yun. Hindi na aabot, teh,” say ni Vice.

Read more...