Maja: Kahit nagkasala ka, meron pa ring nagmamahal at tatanggap sa yo!


NGAYONG araw na magsisimula ang pag-ere ng pinakaaabangang primetime serye ng ABS-CBN, ang The Legal Wife na pinagbibidahan ng mahuhusay na aktor natin ngayon, sa pangunguna nga ni Ms. Angel Locsin na matagal ding nabakante sa paggawa ng soap opera.

Makakasama ni Angel dito ang equally-talented actors of this generation like JC de Vera, Maja Salvador and Jericho Rosales sa direksiyon ng mahuhusay na sina Rory Quintos and Dado Lumibao.

Tiniyak ng mga nabanggit na de-kalibreng direktor natin na punumpuno ng aral para sa pamilyang Pilipino ang mapapanood ng viewers sa The Legal Wife.

Ayon sa kanila, bukod sa malulutong na sampalan at maiinit na komprontasyon, tiyak na tatatak sa mga manonood ang pangunahing mensahe ng serye tungkol sa pagpapahalaga sa pamilya.

“Gusto naming siguruhing sinusubaybayan ng viewers ang istorya hindi lang sa mga eksenang sampalan kungdi dahil din sa natututunan nilang harapin ang mga problema ng kani-kanilang pamilya na matagal nang kinatatakutan,” pahayag ni Direk Rory Quintos.

“Tiyak na maraming makaka-relate sa mga characters nina Monica (Angel), Nicole (Maja), Max (JC) at Adrian (Jericho) dahil sinasalamin nila ang mga nangyayari sa iba’t ibang tao sa tunay na buhay.

Ang The Legal Wife ay tungkol sa pagmamahal at mga sakripisyo na handang gawin ng isang tao para sa kaniyang pamilya,” paliwanag naman ni Direk Dado.

Samantala, ayon naman kina Angel, Maja, JC at Echo, maging sila mismo ay maraming natuklasan sa kanilang mga sarili dahil sa istorya nitong The Legal Wife.

“Lahat tayo ay nagmamahal at nagkakamali. Dahil sa karakter kong si Monica, na-realize kong kailangan kong patatagin yung sarili ko para harapin at labanan ang lahat ng pagsubok na darating sa buhay ko, lalo na kung para sa ikabubuti ng pamilya ko,” pahayag ni Angel.

Para naman kay Echo, ang kuwento ng serye nila ay magsisilbing isang magandang eye-opener para sa mga Pilipino. Aniya, “Napaka-sensitive na topic ang infidelity pero naniniwala akong ito na ang panahon para maunawaan ng lahat kung bakit ito nangyayari at kung bakit humahantong sa ganitong situwasyon ang ibang tao”.

Dagdag ni Maja, bagama’t medyo kontrobersiyal ang kaniyang karakter bilang si Nicole ay alam niyang marami ang makakaintindi sa role niya, “Mayroong iba’t ibang klase ng pag-ibig, pero kahit anong mangyari, meron pa ring magmamahal at tatanggap sa ‘yo nang buong-buo kahit ano pa yung mga nagawa mo”.

“Para sa akin, mas ma-appreciate ko yung love para sa pamilya at ibang tao dahil kay Max, dahil kayang-kaya niyang ibigay ang lahat para sa mga mahal niya nang walang hinihinging kapalit”, ayon naman kay JC.

Naku, iyan ang dapat pakaabangan sa The Legal Wife simula ngayong gabi. Kasama rin dito sina Joem Bascon, Ahron Villena, Rio Locsin, Mark Gil, Bernard Palanca, Maria Isabel Lopez at Christopher de Leon.

Huwag palagpasin lalo na ng mga “illegal wives”. Ha-hahahaha!

( Photo credit to Google )

Read more...