Ginebra umusad sa Semifinals

Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
3:30 p.m. Talk N Text vs San Mig Coffee

UMUSAD ang Barangay Ginebra San Miguel Kings sa best-of-seven semifinals matapos tambakan ang Alaska Milk Aces, 108-95, sa kanilang PLDT myDSL PBA Philippine Cup do-or-die quarterfinals game kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Umpisa pa lang ng laro ay nakalayo agad ang Barangay Ginebra sa pagtala ng 18-puntos na bentahe sa unang yugto, 39-21, at lumaki pa ito sa 26 puntos sa pagtatapos ng halftime, 69-43.

Napanatili naman ng Gin Kings ang double-figure na kalamangan hanggang sa matapos ang laro. Si Japeth Aguilar, na tinanghal na Best player of the Game, ay nagtala ng 29 puntos, 14 rebounds at 5 blocks para pamunuan ang Gin Kings.

Makakatapat naman ng Barangay Ginebra sa semis ang magwawagi sa pagitan ng Talk ‘N Text at San Mig Coffee.
Samantala, nakataya ang huling semifinals berth sa pagtatagpo ng defending champion Talk N Text at San Mig Coffee sa Game Three ng kanilang PBA Philippine Cup quarterfinals series mamayang alas-3:30 ng hapon sa Cuneta Astrodome.

Nakaiwas sa tuluyang pagkalaglag ang Tropang Texters nang makabawi sila sa Mixers sa Game Two, 82-77, noong Biyernes upang mapuwersa ang sudden-death. Nagwagi ang San Mig Coffee sa Game One, 90-83.

“We’re not gonna beat San Mig Coffee if we do not play good defense,” ani Talk ‘N Text coach Norman Black patungkol sa tsansa ng kanyang koponan.

Kung muling mananalo ang Tropang Texters ay mananatiling buhay ang kanilang pag-asa para sa record na ikaapat na sunod na Philippine Cup championship.

Sinabi rin ni Black na ang kaibahan sa Games One at Two ay “We had two days to prepare and practice. We can play a little better. We just hope to have time to jell a little bit.”

Si Jayson Castro ay nanatiling pinaka-consistent sa Tropang Texters nang magtala siya ng 20 puntos sa Game Two. Gumawa siya ng 24 sa Game One.

Nakakuha ng tulong si Castro buhat kina Ryan Reyes, Danny Seigle at baguhang si Niño Canaleta na pawang nagtapos nang may double figures sa scoring.

Ang San Mig Coffee ay pinangungunahan nina Joe Devance, Peter June Simon at Mark Barroca. Subalit hindi nakapamayagpag sina two-time Most Valuable Player James Yap at Marc Pingris.

Katunayan ay tila nasira ang concentration ni Pingris matapos na makipagdikdikan kay Kelly Williams at matawagan ng technical foul.

Sa kabila ng kabiguang tapusin ang serye noong Biyernes, naniniwala si coach Tim Cone na kaya ng Mixers na makumpleto ang kanilang misyon upang manatili ring buhay ang pag-asam sa ikalawang sunod na titulo matapos na maghari sa nakaraang Governors’ Cup.

( Photo credit to INS )

Read more...