Kris dumarami ang mga kaaway sa Showbiz dahil daw kay P-noy


Sa ayaw at sa gusto ni Kris Aquino ay paniguradong damay siya at naaapektuhan sa mga kaguluhang pinapasok ng kanyang kapatid na pangulo.

Kahit pa sabihing wala naman siya sa mundo ng politika ay natural lang na makikiayon ang aktres-TV host sa mga ipinaglalaban ng kanyang kuya.

Nakakalungkot lang isipin na sinumang kumalaban sa pamunuan ng kanyang kapatid ay nagiging kalaban na rin ni Kris, natural lang ‘yun, alangan namang sa kabilang kampo pa siya kumampi?

Tulad na lang ngayong naglabas na ng kanyang sentimyento si Senador Bong Revilla na hindi lang nasagasaan, talagang direktang naglabas ito ng kanyang sama ng loob kay P-Noy, nasaang posisyon ba si Kris ngayon?

Magkakaibigan sila, relasyong umusbong nu’ng magkarelasyon pa sina Kris at Phillip Salvador, pero kailangang masakripisyo ngayon dahil sa hidwaan ng kampo ng senador at ng kapatid ni Kris.

Sabihin man ng aktres-TV host na wala siyang kinalaman sa ginagawang pamumuno ng kanyang kuya ay meron at meron pa rin siyang makakalaban, ang mga kumokontra sa kanyang kapatid ay magiging kalaban na rin niya, mababawasan nang mababawasan ang mga itinuturing na kaibigan ni Kris dahil sa pagiging tagapumuno ng kanyang kuya.

Sabi nga ng isang kausap namin, “Mapersonal pa naman si Kris, tinatatakan niya ang mga nakakalaban ng family nila, kumukurot siya kahit paano para maipaglaban ang mga kapatid niya.

“Ganu’n si Kris, e. Very open siya sa pagsasabi nu’n, nagpapakita siya ng pagkontra kapag ayaw niya sa tao, kaya siguradong may epekto sa pakikitungko niya sa mga Revilla ang away ng kuya niya at ni Senator Bong.” Kunsabagay…

( Photo credit to Google )

Read more...