Sc, Ninoy, Gloria | Bandera

Sc, Ninoy, Gloria

- November 17, 2011 - 12:24 PM
DALAWANG beses nang binabangga ng Malacañang ang Supreme Court.  Ayon mismo sa opisyal ng mataas na hukuman, pagsuway ang pagbangga sa Korte Suprema.  Sa simula pa lamang ng panunungkulan ng Ikalawang Aquino ay binangga na nito ang punong mahistrado ng SC.  Di kagulat-gulat ito dahil ilang pagkontra na ang ginawa ng SC sa ilang kautusan mula sa Palasyo.
 Walang pakialam ang masa sa banggaang ito dahil abala sila sa paghahanapbuhay para mamayang gabi ay may maiuuwing konting pera para maibili ng pagkain.  Ang sampay-bakod na nagmamasid ay ang militar, na sinisi nang malabas ang 19.
 Kapag lumala ang banggaan, tiyak na mauuwi ito sa krisis.  At tanging ang sandatahang lakas ng taumbayan lamang ang may kakayahang tapusin ang krisis at iligtas ang bansa. 
 Ang naganap kamakalawa ng gabi sa pandaigdigang paliparan ay nagbalik ng alaala ng pagpupumilit sa pag-uwi ni Ninoy Aquino noong 1983: nagkalat ang sandatahang lakas, di mabilang ang pinto't lagusan na isinara at doble-doble ang bantay; ang mga mamamahayag ay inalisan ng layang makalibot nang naaayon sa kanilang nais, at mahigpit ang kautusang arestuhin si Ninoy kapag ito'y lumapag.  
 Di lamang inaresto si Ninoy.  Pinatay pa.  At nang iniluklok ng sandatahang lakas ang Unang Aquino, pinangalanan itong Ninoy Aquino International Airport (mahal ng nagdalamhati si Ninoy pero minumura ngayon ang NAIA ng sandaigdigan dahil bulok ito sa panahon ng Ikalawang Aquino).
 Gagawin at gagawin ng Ikalawang Aquino para di makaalis si Gloria Arroyo.  Alam na ng lahat yan.  Alam din ng lahat na mamadaliin na ang pagsasampa sa korte ng mga kasong kriminal laban kay Arroyo, pagkatapos ng mahigit isang taon na walang maisampa ang Ombudsman na ipinalit sa makupad daw na si Merceditas Gutierrez.
 Ipinakita ng mga retrato sa mga pahayagan ang inbalidong (invalid) si Arroyo, hughog ang kalamnan at itinataguyod na lamang ng mga bakal para di bumagsak ang gulugod.  Ang sigaw ng mga komunista sa Kamara, ibilanggo na lang.  Hindi natin hihingiin ang awa ng mga nais gutayin ang may sakit.  Ang awa ay kusa at ipinagkakait ng ayaw.
 Nakamasid ang Pampanga.  Ang pamilya ni Dadong na hinati ng politika't hidwaan ay nanonood lamang sa mga nagaganap.  Kung anuman ang kahihinatnan, handa silang iuwi si Gloria, tulad ng ginawa ng Ilocos kay Marcos.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending