Bong pinakain ng masasakit na salita ng mga bashers


Pinupupog ngayon ng mga bashers si Senador Bong Revilla, Jr. dahil sa mga binitiwan niyang madidiing pahayag sa nakaraan niyang privilege speech.

Kaliwa’t kanan ang inaabot na bira ngayon ng aktor-politiko sa pinagdesisyunan niyang pagdedepensa sa kanyang sarili.
Kung kami ang hihingan ng opinyon ay okey lang ‘yun, kahit naman nu’ng hindi pa siya nagbibigay ng kanyang depensa ay binibira na siya ng kampo ng kanyang mga kalaban, kaya okey lang na birahin siya ngayon nang may dahilan.

Wala bang karapatang magsalita ang isang taong pilit na ibinabagsak nang walang kalaban-laban? Papayag ba naman ang kahit sino na basta patayin siya nang patayo?

Panahon na para sumagot sa mga bira sa kanya ang action star, hindi tamang dumaraan ang mga buwan nang hindi man lang siya nagsasalita, birahin man siya ngayon ay meron nang malinaw na dahilan kung bakit siya pinakakain ng apdo ng kanyang mga kalaban.

“Ang dami-daming tinamaan sa privilege speech ni Senator Bong, batu-bato sa langit ‘yun, ang tamaan, e, hindi dapat maging pikon, sa totoo lang! Ikaw ba naman ang punuin at galitin, di ba?” komento ng isang kaibigan naming propesor.

Para gumaan naman ang argumento ay may mga kaibigan kaming becki na nagrereklamo, bakit daw ganu’n, habang nagsasalita raw si Senator Bong ay parang nawawala ang kanilang konsentrasyon?

“Magaling magsalita si Senator Bong, pero nahahati ang concentration ko. Ang guwapo-guwapo niya kasi!” text sa amin ng anak-anakan naming si Japs Gersin.

Huwag siyang magsalita ay binibira siya, magbigay siya ng depensa ay bibirahin pa rin siya, mas maganda nang birahin siya dahil sa prinsipyong pinanghahawakan niya ngayon.

( Photo credit to INS )

Read more...