PNoy binuweltahan ni Bong | Bandera

PNoy binuweltahan ni Bong

Bella Cariaso, Lisa Soriano - January 21, 2014 - 03:06 PM

BINUWELTAHAN kahapon ni Senador Bong Revilla si Pangulong Aquino sa ginagawang pagdawit sa kanya sa multi-bilyong pisong pork barrel scam.

Itinanggi niyang kakilala ang negosyanteng si Janet Lim Napoles na itinuturong utak ng P10 bilyong pork barrel scam.
Sinabi rin ni Revilla na pineke lang ni Benhur Luy ang kanyang pirma sa sinasabing endorsement letter para gamitin ang kanyang pork barrel para sa mga NGO ni Napoles.

Maliban sa mga pagtatanggi, direkta namang inakusahan ni Revilla si Pangulong Aquino at kanyang mga tauhan na nasa likod ng mga akusasyon laban sa kanya.

Anya, bunga umano ng pamumulitika ang mga akusasyong ibinabato sa kanya. Noong isang linggo, sinabi ni Revilla na may pasasabugin siya sa kanyang privilege speech.

Corona impeachment
Sa kanyang privilege speech, na dinaluhan ng kanyang ama na si dating Senador Ramon Revilla Sr., misis na si Cavite Rep. Lani Mercado at kanilang anak na si Cavite Vice Governor Jolo Revilla, at ilan pang mga kaalyado, direktang isinangkot nito si Aquino sa pagmamaniobra sa impeachment ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.

“Tama ba na habang nililitis ang dating Chief Justice na si Renato Corona ay kailangang makialam ang mismong Pangulo ng Republika sa isang prosesong legal  na dapat ay independiyente?”

Kasabwat umano ng Pangulo ang ilan niyang cabinet Secretaries na sina Interior Sec. Mar Roxas at DBM Sec. Butch Abad.

“Boy Pick-up”
Isiniwalat din ni Revilla na dinala siya sa Bahay Pangarap ni Roxas para doon ay kumbinsihin na bumoto para ma-impeach si Corona.

Ipinakita ni Revilla ang litrato na kung saan siya mismo ang kumuha nang ipag-drive siya na tinawag niyang “Boy pick-up” na ang tinutukoy ay si Roxas.

Nang dumating umano sila sa Bahay Pangarap ay nandoon din si DBM Secretary Butch Abad at makaraan ang ilang minuto ay hinarap na sila ng pangulo.

“Nagulat ako nang sinabi sa akin ng Presidente… ‘Pare, parang awa mo na, ibalato mo na sa sa akin ito (Corona), kailangan siyang ma-impeach,’” kwento ni Revilla.

Saad naman anya ni Abad: “Magtulungan tayo Senador.” Anya, ginawa niya ang pagbubunyag na ito dahil sa pangamba na baka ganito rin ang gawin sa kanya ng mga tauhan ni Aquino.

“Hindi ko po maalis sa aking isipan na kung nagawa ito ni PNoy kay CJ Corona, ay maaaring gawin niya ito na impluwensiyahan ang Ombudsman at Sandiganbayan laban sa akin at sa iba pang nasasangkot sa kontrobersiya.”

Pinili na umano niyang magsalita dahil matagal na niyang kinikimkim ang sama ng kanyang kalooban. “Sa kabila ng pagkitil sa aking mga karapatan, sa kabila ng halos pagwasak sa aming buong angkan, kinimkim ko po ang nilalaman ng aking kalooban ng mahigit limang buwan.”

“Ayoko nang muling magkimkim ng aking kalooban, we have all been witness to a calibrated plan of piece meal and serial revolutions aimed to create a bandwagon of hatred.”

Kita sa showbiz
Iginiit din ni Revilla na kung ano mang meron siya at ang kanyang pamilya, ito ay dulot ng kanyang matagal nang pagtatrabaho sa showbiz.

“Ang lahat po na ito ay pinaghirapan ko sa magdamagang shooting ng daang pelikula, maghapon at magdamag na taping ng mga TV shows, mga product endorsement at mga commercials.”

Binanatan din nito ang administrasyong Aquino na inuuna ang pamumulitika sa gitna ng dinanas na hirap ng mga kababayan dulot ng supertyphoon na Yolanda.

Sinisisi rin nito ang problema sa kuryente,  kakulangan ng seguridad sa national airport, taas sa pasahe sa MRT at LRT, dagdag singil sa tubig gayundin sa SSS at Philhealth.

Hindi rin pinalagpas ni Revilla ang umano’y katiwalian ng gobyernong Aquino gaya ng kontrobersiya sa DAP at pekeng listahan sa CCT o conditional cash transfer.

Maging ang kontrobersya na kinasangkutan ng kapatid ni Aquino na si Ballsy ay hindi rin pinatawad ni Revilla.

Kumpirmado
Samantala, kinumpirma ng Palasyo na nakipagkita ang pangulo kay Revilla, bagamat itinanggi na pinakiusapan ito na bumoto laban kay Corona.

Sa isang briefing na ipinatawag kagabi, sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) head Secretary Herminio “Sonny” Coloma, itinanggi nito na sinabi ni Aquino ang “ibalato” kay Revilla si Corona.

“Wala pong salitang ibalato mo na lang sa akin,” sabi ni Coloma. Idinagdag ni Coloma na kinausap lamang ni Aquino si Revilla hinggil sa ulat na may mga lumalapit para maimpluwensiyahan ang kanyang boto kaugnay ng impeachment noon kay Corona.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Hinamon din ng Palasyo si Revilla na ipaliwanag nito kung saan niya ginamit ang kanyang PDAF.

( Photo credit to INS )

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending