Barroca napiling PBA Player of the Week


SA isang koponang kinatatampukan nina two-time Most Valuable Player James Yap, Gilas Pilipinas member Marc Pingris, Peter June Simon at Joe Calvin Devance, nakakagulat na ang pinaka-consistent na manlalaro ng San Mig Coffee ay ang third-year point guard na si Andy Mark Barroca.

Ipinakita ni Barroca ang kanyang kahalagahan sa Mixers mula sa umpisa ng PLDT myDSL PBA Philippine Cup hanggang sa magwakas ang 14-game elimination round.

Iniangat niya ang kanyang laro nang magtamo ng injuries ang mga superstars ng koponan sa umpisa ng torneo. At kahit na nakabalik na sa active duty ang mga ito ay hindi nagbago ang kanyang mga numero.

Sa dakong huli si Barroca pa rin ang bumuhat sa Mixers sa kanilang panalo kontra Petron Blaze at defending champio Talk ‘N Text upang wakasan ang elims nang may four-game winning streak at 7-7 record.

Dahil dito, si Barroca ang napili bilang Accel PBA Press Corps Player of the Week para sa period na Enero 12 hanggang 19.
Dinaig niya sa botohan sina JVee Casio at Gabby Espinas ng Alaska Milk.

Laban sa Boosters kung saan nagwagi ang Mixers, 113-92, si Barroca ay nagtala ng 19 puntos, limang rebounds, apat na assists at apat na steals sa 32 minuto.

( Photo credit to INS )

Read more...