Hanggang ngayon ay dala-dala pa rin ni Ai Ai delas Alas ang matindi niyang tampo kina Kris Aquino at Vice Ganda. Sa paraang kanyang-kanya lang ay mararamdaman sa Comedy Concert Queen ang sama ng loob, ikinokomedya na lang niya ‘yun, pero nagdurugo ang kanyang puso.
Nag-ugat ang kanyang sama ng loob sa pagpanaw ng kanyang tunay na ina. Maraming nakiramay-nakidalamhati sa kanya, mga taong nakasama niya sa trabaho nang minsanan lang at mga kaibigan talagang itinuturing niya.
Nailibing na’t lahat ang kanyang ina ay ni ha, ni hong nagparamdam sa kanya ang dalawang itinuturing niyang kaibigan. Si Ai Ai pa naman kung makipagkaibigan, taya pati ang pamato niya, talagang ipinaramdam niya ang pagmamahal at pagmamalasakit sa tunay na pakahulugan ng salitang ‘yun.
Pero deadma ang dalawa, lalo na si Kris na BFF pa naman ang tawag sa kanya, nagpadala ng bulaklak ang programa nito pero walang personal na importansiyang tinanggap si Ai Ai mula sa aktres-TV host.
Natural lang na magtatampo si Ai Ai sa ganu’ng sitwasyon, kasabihan pa naman na ang tunay na kaibigan ay sa kalungkutan natin nakakasalo, hindi pala ‘yun totoo sa pagkakaibigan nila ni Kris Aquino.
Ayaw nang magkomento pa ngayon ng sikat na komedyana tungkol sa naganap, basta ang malinaw, sa darating na eleksiyon ay tutulungan niya at ikakampanya si Vice-President Jejomar Binay sa anumang posisyong tatakbuhan ng politiko.
Hindi nga naman kasi sila personal na magkakilala ng bise-presidente, pero nagpadala na ito ng bulaklak ay personal pa siyang sinamahan sa kanyang pagdadalamhati, kahit naman siguro sino ay magbabalik ng kabutihan sa ipinakita ng pangalawang ama ng ating bayan. Sa totoo lang!
( Photo credit to Google )