Thunder niyanig ang Rockets


HOUSTON — Umiskor si Kevin Durant ng 36 puntos habang si Reggie Jackson ay nag-ambag ng 23 puntos para ihatid ang Oklahoma City Thunder sa 104-92 panalo laban sa Houston Rockets sa kanilang NBA game kahapon.

Gumamit ang Thunder ng matinding ratsada sa ikatlong yugto para burahin ang 12-puntos na paghahabol at itabla ang laro papasok sa ikaapat na yugto.

Naging dikit naman ang labanan ng dalawang koponan sa huling yugto bago naghulog si Jackson ng limang puntos sa kanilang 7-0 run na nagbigay sa Thunder ng 97-89 bentahe may apat na minuto ang nalalabi sa laro.

Agad naman nakaiskor ang Oklahoma City ng apat na puntos kabilang ang fast break dunk ni Jackson ilang minuto matapos ito para palawigin ang kanilang kalamangan sa 103-92.

Sina James Harden at Terrence Jones ay kapwa umiskor ng 16 puntos para sa Houston, na nakagawa lamang ng 19 second-half points matapos magposte ng season-high 73 points sa first half para magtala ng NBA record na pinakamalaking scoring differential sa pagitan ng dalawang halves.

Pacers 117, Knicks 89
Sa Indianapolis, gumawa si Lance Stephenson ng career-high 28 puntos habang si Paul George ay nagdagdag ng 25 puntos para makubra ng Indiana Pacers ang ikasiyam na diretsong panalo sa kanilang homecourt.

Ang Pacers ay nanalo rin ng tatlong sunod sa kabuuan at hawak pa rin nila ang NBA best record (31-7) at top home record (20-1) ng liga. Angat din ang Indiana sa pahingang Miami Heat ng apat na laro sa karera para sa Eastern Conference top seed.

Si Carmelo Anthony ay nagtapos na may 28 puntos para pamunuan ang New York. Nag-ambag naman si J.R. Smith ng 12 puntos para sa Knicks, na natalo ng dalawang sunod matapos magwagi ng limang diretsong laro.

Nets 127, Hawks 110
Sa London, United Kingdom, kinamada ni Joe Johnson ang 26 sa kanyang 29 puntos sa first half  para pamunuan ang Brooklyn Nets sa panalo kontra Atlanta Hawks sa ikaapat na regular-season NBA game na ginanap sa British capital.

( Photo credit to INS )

Read more...