Osang bawal kumanta sa Israel

DAHIL sa isyu sa kanyang visa ay hindi maaaring maging isang propesyunal na mang-aawit sa Israel si Rosanna Fostanes, ang overseas Filipino worker na nagwagi sa X Factor Israel.

Ayon sa ulat ng Ynetnews.com, isang local media group sa Israel, hindi maaaring pagkakitaan ni Fostanes ang kanyang tagumpay sa nasabing singing contest.

Sinabi ng source ng Ynetnews.com na dahil caregiver ang visa na  inisyu ng Israel kay Fostanes, tanging pagke-caregiver lamang ang maaari niyang maging empleyo sa bansa.

“Under no circumstance can Rose be paid to be a singer in Israel. There’s no problem if she performs at weddings for free, but she cannot receive any payment,” ayon sa source na mula umano sa Population, Immigration and Border Authority (PIBA).

Ayon sa batas, dagdag ng source: “A foreign worker cannot work in any job that is not permitted on their work visa, not even on weekends or in their free time. And any attempt to do so, will be considered a violation of her visa.”

Di makapaniwala
Samantala, hanggang kahapon ay hindi pa rin makapaniwala ang mga kamag-anak ni Fostanes sa suwerteng dumating sa OFW.

Ayon sa nakababatang kapatid niya na si Gina Camposano ng Brgy. Calzada-Tipas, Taguig, “na-shocked” sila nang tanghaling kampeon ang kapatid.

“We were surprised, since usually, these contests look for the ‘package deal,’ someone who also looks like an actress,” ani Camposano.

Sinabi naman ng pinsan niyang si Ann Marie na madalas matalo si Fostanes sa mga sinalihan nitong local singing contest sa mga contestant na mas maganda o payat.

Nagsimulang magtrabaho sa ibang bansa si Fostanes, 47, sa edad na 23 bilang domestic helper sa Egypt. Isang dekada rin siyang nagtrabaho sa Lebanon bago nag-caregiver sa Israel.

( Photo credit to INS )

Read more...