Naku, ayokong matulad kay Wally! – Jayson
PURING-PURI ni Jayson Gainza ang baguhang producer ng pelikulang “Mumbai Love” na si Niel Jeswani dahil sobrang bait pati ang nanay niya dahil sila raw mismo ang gumagawa ng costumes na ginamit nila sa pelikula.
“Bilib ako, mapeperang tao, pero napaka-down to earth at mababa ang boses, wala kang maire-reklamo,” say ng komedyante nang makakuwentuhan namin pagkatapos ng presscon ng “Mumbai Love”.
Walang nakakakilala kay Niel kaya tinanong namin si Jayson kung ano pa ang ibang pinagkakakitaan nito para makapag-produce ng pelikulang tinatayang nasa budget ng P50 million ayon na rin sa komedyante.
“Ang alam ko, trading at realty sila, may mga hotels sila sa India tapos meron din sa mga probinsiya. Siguro gusto namang maiba ang linya ng negosyo kaya nag-produce. Sana kumita, bigyan ng chance, mabait, eh, sobra,” kuwento ni Jayson.
Samantala, niloloko namin ang komedyante na mukhang paborito siya ng ABS-CBN dahil kaliwa’t kanan ang projects niya bukod pa sa maraming pelikula.
Ang katwiran ni Jayson, “Kasi para akong Chinese, mura (talent fee) lang ako, pero maramihan. Magtataas nga ako ng presyo, tapos isa lang project ko, paano na? Kaya okay na ako sa mura, marami naman.
“Tungkol naman sa kalokohan (pambababae), ayoko ng ganu’n, hindi talaga ako gumagawa no’n, takot ako sa karma, lalo na mga anak ko maliliit pa. Saka mahirap pag binalikan ka ng karma.
“Tulad niyan, may social media na, paano kung may kasama ako, nakunan ako, na-Twitter o Instagram pa, e, di patay ako sa misis ko? Ayokong matulad kay Wally Bayola. Ha-hahaha! Joke lang!” birong sabi ni Jayson.
Sabay bumawi ang comedian, “Actually mabait si Wally, namali lang talaga.” Natanong din namin kay Jayson kung nakakuwentuhan na niya si John Lloyd Cruz na dumadalaw sa taping ng Banana Split tungkol sa nangyaring sampalan nila ni Anne Curtis.
“Hindi niya raw alam na sinampal siya. Kinabukasan na lang sinabi sa kanya,” birong sabi ng aktor. “Actually, ganito talaga ‘yun (sabay muwestra na akala mo alam ang dahilan), kasi nga itong si John Lloyd, sobrang ano, eh.
Saka ganu’n!” pagbibiro ng aktor. “Sa totoo lang, pag nagkakakuwentuhan kami nina John Lloyd at Angelica, wala silang binabanggit, kung baga nilalampasan nila ‘yung episode na ‘yun.
E, nakakahiya namang magtanong na, di ba? Hayaan na lang,” katwiran ni Jayson. Samantala, hindi namin alam kung biro o seryoso na si Jayson sa pagsasabing hindi pa siya mayaman sa kabila ng napakaraming raket niya.
“Wala naman akong business, hindi naman ako magarbong tao, hindi naman ako mahilig sa branded na gamit, simpleng tao lang, so masaya na ako,” katwiran sa amin.
Samantala, mapapanood na ang “Mumbai Love” sa Enero 22 mula sa Capestone Pictures at Solar Entertairment mula sa direksyon ni Benito Bautista.
Bukod kay Jayson, kasama rin sa pelikula sina Kiko Matos, Martin, Escudero, Raymond Bagatsing at Solenn Heussaff na sinuportahan naman nina Jun Sabayton, Romy Daryani at marami pang iba.
( Photo credit to Google )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.