BAKIT nga ba?
Iyan ang itinatanong ng mga fans ng Alaska Milk na nangangambang hindi makarating sa quarterfinal round ng PLDT myDSL PBA Philippine Cup ang kanilang paboritong koponan.
Actually, hindi lang naman mga fans ng Alaska Milk ang nagtataka. Lahat marahil ng sumusubaybay sa PBA ay nagtataka kung bakit ganito ang performance ng Aces na noong nakaraang season ay nagkampeon sa Commissioner’s Cup.
E, kung titingnang maigi’y wala namang earth-shaking na pagbabago ang naganap sa lineup ng Alaska Milk.Nagdagdag sila ng dalawang rookies sa katauhan nina Ryan Buenafe at Christopher Exciminiano.
Maituturing na upgrading pa nga ito, e. Mahuhusay na manlalaro ang dalawang ito. Si Buenafe ay miyembrong Ateneo Blue Eagles na naging bahagi ng apat sa limang sunud-sunod na kampeonatong napanalunan nila sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
Si Exciminiano ay naglaro sa Far Eastern University at dating manlalaro ni Alaska Milk coach Luigi Trillo noong sila’y nasa Cebuana Lhuillier sa PBA D-League.
Hindi naman pinupuwersa ni Cone ang dalawang ito at dahan-dahan lang nga ang gamit sa kanila. Ang talagang ginagamit ni Cone ay ‘yung mga manlalarong ginamit niya nang husto noong nakaraang season.
Ito’y sina Cyrus Baguio, JVee Casio, Sonny Thoss, Gabby Espinas, Dondon Hontiveros at Calvin Abueva na siyang nanalo bilang Rookie of the Year ng nagdaang season.
So, the usual suspects pa rin ang sinasandigan ni Cone bagamat humahaba nang bahagya ang playing time ni Aldrech Ramos na siyang dapat naman.
Kasi, si Ramos ay isang premyadong manlalarong naging miyembro ng Gilas Pilipinas. Sagana sa karanasan ang dating FEU Tamaraw na ito na nakuha ng Alaska Milk buhat sa SanMig Coffee.
E ano nga ba ang nangyayari? Bakit aapat na panalo pa lang ang naitatala ng Aces sa 13 laro? Isang game na lang ang natitira sa kanilang schedule at ito ay kontra sa Barako Bull sa Biyernes.
Must-win ang sitwasyong kinakaharap nila. Kung magwawagi sila sa Energy ay mapupuwersa nila ang mga ito sa isang playoff para sa quarterfinals berth.
Pero kung magwawagi ang Barako Bull, aba’y goodbye Alaska ang mangyayari. Makakasama ng Aces sa maagang masaklap na bakasyon ang Air21.
Nakakahinayang at nakakalungkot naman kung maagang matsutsugi ang Alaska lalo’t tila huling conference na ito ni Joaqui Trillo bilang governor ng Alaska.
Biruin mong mawawala na siya sa eksena pero hindi magandang alaala ang kanyang masasaksihan. Kailangang magising ang Aces upang kahit paano’y bigyan ng magandang exit si Joaqui!