Raymart sagad na sagad na kay Claudine, walang planong makipagbati


Nagbigay na ng pahimakas si Claudine Barretto na handa na siyang makipag-usap sa kanyang mga kapatid at sa kanyang mister na si Raymart Santiago para maitiklop na ang napakahabang teleserye ng kanilang buhay.

Ayon sa kanyang abogado, si Attorney Ferdinand Topacio, ay nakahanda na ang puso ngayon ng kanyang kliyente tungkol sa ikaaayos ng kanilang personal na buhay, pero meron siyang kundisyon sa pakikipag-usap sa kanyang asawa at mga kapatid na sina Gretchen, Marjorie at Jay-jay, walang camera sa magaganap nilang komprontasyon.

Maganda rin naman ang gustong mangyari ni Claudine, walang media coverage dapat ang kanilang paghaharap para maging sinsero ang dating nu’n, hindi masasabi ng publiko na all for show lang ang namamagitan sa kanila.

Katahimikan man ng kalooban o gimik lang ang hangad ni Claudine, para sa mas nakararami ay maganda pa rin ang kanyang layunin, dapat naman talagang tuldukan na nila ang pagbabatuhan ng putik dahil sila rin ang nagiging kahiya-hiya sa lahat ng mga nangyayari.

Ang tanong na lang ngayon ay kung handa na rin ba naman si Raymart at ang kanyang mga kapatid sa sinasabi niyang pag-uusap nang personal at pagkakasundo, hindi natin alam, baka naman si Claudine lang ang nakahandang gawin ‘yun pero wala namang planong makipagbati sa kanya ang kabilang kampo.

Siguradong pagtataasan na lang ‘yun ng kilay ni Gretchen, si Raymart naman ay hindi agad-agad maniniwala, dahil sagad na sagad na ang aktor sa mga sinasabing pagbabago-bago ng isip ng kanyang misis.

Abangan na lang natin kung ano ang mangyayari sa mga susunod na araw, baka naman magkaroon ng milagro, baka naman tayo pa ang masorpresa dahil totoo palang pare-pareho na nilang gustong maging maayos ang kanilang relasyon.

( Photo credit to Google )

Malay natin….

Read more...